Ang Manila Bulletin ay nagdiriwang ngayon ng ika-115 anibersaryo.

Noong Pebrero 2, 1900 - dalawang taon matapos magsimula ng okupasyon ng Amerikano sa bansa - unang lumabas ang Manila Bulletin “to give the public accurate and reliable shipping and commercial information and nothing else,” anang mga may-ari at mga editor. Itinatag ito ni Carson C. Taylor, na isang guro mula sa Illinois, United States of America, na naglingkod sa US Army noong Spanish-American War. Sina Taylor at H.G. Farris, editor, lamang ang buong staff ng pahayagan.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

May apat na pahina lamang ang pahayagan na may sukat na 10” by 12”. Ipinamahagi ito nang libre sa lahat ng tatanggap sa ideya ng pagpapakita ng kahalagahan nito. Inilimbag ito ng El Progreso sa 10 Carriedo, Manila, hanggang 1901 nang magtayo ito ng sariling planta.

Pinasok nito ang larangan ng pangkalahatang pahayagan noong 1912 sa anyo ng anim na kolum na tabloid, lumipat sa standard size na may walong kolum noong 1918. Sa sumunod na siglo – maliban sa apat na taon na puwersahan itong isinara ng mga Japanese noong panahon ng digmaan – ang Bulletin ay lumabas nang arawan, nagtatala ng kaunlaran ng bansa.

MAGINHAWA AT MAGULONG PANAHON

Sumuong ang Pilipinas sa maginhawa at magulong panahon sa nakalipas na 115 taon at nanaig ang Manila Bulletin sa mga iyon, itinala ang mga iyon, ibinahagi sa taumbayan ang araw-araw na mga karanasan at makasaysayang pangyayari na nagbigay-hugis sa bansa.

Pinasok ng bansa ang isang bagong panahon ng masiglang pagbabago sa kasarinlan ng Pilipinas noong 1946 at ang mga pahayagan sa bansa – kabilang ang Bulletin – ay nag-uulat araw-araw ng paglagong iyon. Nakilala ang Philippine press na kasama sa pinakamalalaya sa daigdig – kasunod ng Amerika kung saan pinagsasaluhan nito ang iisang garantiyang konstitusyonal – ang malayang pamamahayag.

Naabala ang kalayaang iyon sa deklarasyon ng martial law noong 1972, ngunit kagulat-gulat na sa mga taon ng martial law unti-unting lumago ang Manila Bulletin at naging pinakamalaki at nangungunang pahayagan sa bansa. Gayong kumikilos sa loob ng mga limitasyong ipinatutupad ng authoritarian na gobyerno, nakita ng publiko kung paano ito nagsikap na maglabas ng lahat ng tunay na mahalagang balita.

Tulad ng oposisyong pulitikal, nagdusa ang press sa mga taon na iyon, ngunit ang Bulletin – na pinangalanang Bulletin Today – ay nakilala bilang nag-iisang publikasyon na naglalathala ng balitang oposisyon – kahit maliit lang – sa isang sulok ng front page – mga balita tungkol at sumisipi ng mga tao sa oposisyon tulad nina Sen. Ninoy Aquino, Sen. Jose Diokno, at Sen. Soc Rodrigo. Umiiral pa rin ang martial law nang mapaslang si Sen. Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport noong 1983, ngunit, kahit may paghihigpit sa pagkuha ng mga larawan ng maraming tao, naiulat ng Bulletin ang namumuong bagyo ng mga protesta na nagtapos sa EDSA revolution noong 1986.

PAGKATAPOS NG MARTIAL LAW

Ang dalawang karibal ng Bulletin ay hindi nagtagal sa pagkakapasa ng martial law. Naglabasan ang mga bagong publikasyon ngunit napanatili ng Bulletin ang kilalang posisyon nito, ang “exponent of Philippine progress” at “the Philippines’ leading national newspaper.”

Sa mga taon matapos ang kasarinlan ng Pilipinas at ang mahihirap na taon ng martial law, halos si Swiss-Filipino Brig. Gen. Hans M. Menzi ang namuno sa Bulletin. Noong 1961, binili ni philanthropist-businessman Dr. Emilio T. Yap ang shares ni Gen. Menzi at kalaunan naging chairman ang una ng Bulletin. Nang matapos ng pag-iral ng martial law at ang pagpapanumbalik ng press freedom noong 1986, ang Bulletin Today ay muling pinangalanang Manila Bulletin noong 1989.

Sa ilalim ng liderato ni Chairman Yap, ang Manila Bulletin ay naging pampublikong korporasyon na kinokomersiyo sa Philippine Stock Exchange. Sinimulan nito ang isang serye ng pagbabago, kabilang ang pagkakaroon ng pinakamalaking printing equipment sa bansa – ang limang palapag na press na nasa sarili nitong gusali sa tabi ng main office ng Manila Bulletin sa Intramuros, Manila.

Bukod sa arawang pahayagan, naglalabas din ang Manila Bulletin Publishing Corporation ng pang-Linggong magazine na Panorama, ng arawang mga tabloid na Tempo at Balita, ang Manila Bulletin Yearbook, ang pinakamatandang vernacular magazine na Liwayway kasama ang Bannawag, Hiligaynon, at Bisaya, at ang dekalidad na mga magazine na Sense and Style, Sports Digest, Cruising, Animal Scene, and Agriculture.

BAGONG PANAHON NG MEDIA

Sa pagpanaw ni Chairman Yap noong nakaraang taon, si Basilio C. Yap ang humalili bilang Chairman of the Board, kasama si Dr. Emil C. Yap III bilang Vice Chairman at Executive Vice President – Advertising Department. Pinasimulan nila ang mga pagbabago na naghatid sa Manila Bulletin sa bagong panahon ng media na may makabagong communication equipment at isang lumalaking presensiya ng on-line at social media. Pinananatili ng Manila Bulletin ang pinakamatandang news website sa bansa – ang www.mb.com.ph.

Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, nananatiling matapat ang Manila Bulletin sa mga pangunahing prinsipyo ng malayang pamamahayag, ng patas, responsable, at tamang pag-uulat, ng matibay, matalino, at nakatutulong na mga opinyon. Sa pag-iwas sa sensationalism sa pag-uulat ng mga balita, inaamin ng Manila Bulletin na may natututuhan ito sa mga istorya tungkol sa mabubuting tao, sa bansa, at sa buong daigdig. At kaya buong ipinagmamalaki nitong ideklara: “There is Good News Here.”

Sandaan at 15 taon – hindi malilimutang mga taon ito para sa Manila Bulletin. Ginugunita natin ang mga taon na iyon sa ating pagdiriwang ng ating anibersaryo ngayon – at sa ating pagsulong at pag-asam sa susunod na siglo at sa mas malawak pang Manila Bulletin.