DASMARIÑAS, Cavite – Tatlong katao ang namatay bago magtanghali kahapon habang isa pa ang nasugatan matapos silang pagbabarilin ng tatlong lalaki sa loob ng barangay hall ng Datu Esmael sa lungsod na ito.

Sinabi ni Supt. Hermogenes Duque Cabe, hepe ng Dasmariñas City Police, na ang tatlong nasawi ay pawang barangay tanod.

Tumakas ang tatlong suspek lulan ng isang puting Nissan Sentra matapos ang pag-atake dakong 11:00 ng umaga kahapon, ayon kay Cabe.

Tinukoy ang mga inisyal na ulat, kinilala ni Cabe ang mga napatay na isang Pogi Pagandang, 24; sina Mustafa Makaindig, 60; at Makasandig Baniaga, 57, pawang taga-Bgy. Barangay Datu Esmael.

National

Magnitude 4.1 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Agad na namatay ang tatlo.

Sugatan naman si Usman Masimba, isa ring barangay tanod. Dinala naman sa pagamutan si Masimba.

Ayon sa report, pinagbabaril ng tatlong lalaki ang apat na biktima sa loob ng barangay hall.

Sinabi naman ni Cabe na ipatatawag niya si Bong Pangandang, chairman ng Bgy. Datu Esmael at ang iba pang opisyal ng barangay, gayundin ang mga saksi, upang malinawan ang insidente.

Ito ang ikalawang madugong pag-atake sa isang barangay hall sa Cavite. Ang una ay nangyari ilang linggo pa lang ang nakararaan sa Bgy. Luma II Hall sa Imus City, nang pagbabarilin si Chairman Sultan Wahid M. Saliling sa isa sa grupo ng mga lalaki.