NAAALALA mo pa ba, noong paslit ka pa lang, kung ilang beses kang tinanong ng “Ano’ng gusto mong maging paglaki mo?” Natitiyak kong maraming beses na. Kung anu-ano na lang marahil ang isinagot ko sa mga nagtatanong sa akin nito, nariyan ang gusto ko maging teacher, policewoman, tindera sa palengke, office girl, madre, cashier, atbp. Ngunit nang lumalaki na ako, naisip ko na kailangan mong magkaroon ng malinaw landas patungo sa isang uri ng trabaho upang masagot ang tanong na iyon.

Ngunit sinabi sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng Mabuting Aklat kung ano ang dapat nating maging pagdating ng tamang panahon – ang maging maamo. Ito ay hindi hanapbuhay. Ito ay isang katangian, isang paraan ng pagtugon sa kapwa at lalo na sa Diyos.

Kapag sinabing maamo ang isang tao, hindi nangangahulugan iyon ng kahinaan o ng kaduwagan. Ngunit sa totoo lang, ang pagiging maamo ay isang kalakasan na nakokontrol. Isipin na lamang ang isang kalabaw na nakokontrol ng magsasaka dahil sa mga tali sa sungay o sa ilong nito o sa pamatok. Matapang ang kalabaw ngunit masunurin sa amo. Iyon ang pagiging maamo.

Ang pagiging maamo ang sumasalungat sa lahat ng bagay na sinasabi sa atin ng daigdig tungkol sa nais nating makamtan. Iniisip natin na makakamtan natin ang lahat ng ating naisin sa pamamagitan ng paninindigan at sa pagsusulong ng mga hakbang tungo sa ating mga interes. Ngunit sinabi ni Jesus na makakamtan ng mga maamo ang daigdig; ang lahat-lahat. Ang tanging mga tao na makakukuha ng mga bagay na pangmatagalan sa buhay ay yaong marunong maging maamo.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Nangaral din si Jesus tungkol sa kanyang sarili; inilarawan niya ang kanyang sarili bilang “maamo at mababang-loob”. Siya ang ating halimbawa kung ano ang maging maamo. Ang kanyang pagiging maamo – ang kanyang matibay na pagkamasunurin sa plano ng Diyos – ang naghatid sa kanya sa krus. Sa krus, naroon ang malinaw na halimbawa ng pagiging maamo. Ang pagkamaamo ay hindi uri ng personalidad kundi isang katangiang napag-aaralang makamit. Nais ng Diyos na tayo ay maging maamo. Kung wala ito, imposible tayong tumupad sa mga plano ng Diyos para sa ating buhay.