Sa halip na mag-emote, hinamon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano si Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay na humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee upang lumabas na ang katotohanan sa kontrobersiya ng umano’y overpricing sa Makati City Hall Building 2.

“You know, when you are cited for contempt, you’re not being punished; it doesn’t mean you are being detained like what the Binays are saying with a touch of drama. The Senate is not a prison,” pahayag ni Cayetano.

Itutuloy bukas ng Blue Ribbon Sub-committee, na pinamumunuan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel Jr., ang pagdinig sa umano’y multi-bilyon pisong anomalya sa kontrobersiyal na gusali, na nakakomisyon umano ang mag-amang Junjun at Vice President Jejomar Binay.

Tiwala si Cayetano na mareresolba na bukas ang isyu hinggil sa quorum at arrest order na ipinalabas laban sa alkalde na nilagdaan na ni Senate President Franklin Drilon.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Ibinitin ng Blue Ribbon Committee ang paghahain ng detention order laban kay Mayor Binay matapos kuwestiyunin ni acting Senate Minority Leader Vicente Sotto III ang kakulangan ng quorum dahil dadalawa lang na senador—sina Pimentel at Antonio Trillanes IV—ang dumalo sa pagpupulong na roon inihain ang reklamong contempt laban sa nakababatang Binay.

Bilang chairman ng Senate Committee on Rules, sinabi ni Cayetano na nagpadala na siya ng dalawang memorandum sa lahat ng senador—isa ay tungkol sa pagkuwestiyon ni Sotto sa kakulangan ng quorum at ang isa ay ang sagot ng komite sa mga tanong ni Sotto.