MAHIGIT 30 ● Nagkaroon kamakalawa ng sagupaan ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF, isang breakaway group ng MILF na tumatanggi sa prosesong pangkapayapaan) sa Maguindanao. Kinumpirma ng mga lokal na awtoridad na mahigit 30 pulis ng SAF ang namatay habang lima naman ang nalagas sa BIFF. Mas marami kung gayon ang puwersa ng BIFF.

Kasunod ito ng pambobombang naganap sa lungsod ng Zamboanga gamit ang isang car bomb kung saan dalawa katao ang namatay at 54 ang sugatan ngunit wala namang umako ng krimen. Magpahanggang ngayon, sinisikap ng mga awtoridad na bawiin sa lugar ang bangkay ng mga pulis. May nakapag-ulat na isang tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Armed Forces, walong pulis ang nabihag ng BIFF. Misyon kasi ng SAF na hanapin ang bomb experts na nagngangalang Zulkifli bin Hir mula Malaysia at isang nagngangalang Basit Usman. Iniulat na nasukol ang mga pulis bunga na rin ng kakapusan ng bala at armas. Hindi na matatapos ang ganitong situwasyon sa bahaging iyon ng Mindanao hanggang hindi nareresolba ang problema sa katiwalian ng ating mga opisyal. Magtataka ka rin na sa dinamirami ng mga pagsasanay na sinuong ng ating sandatahang lakas, pati na ang pagbili ng mamahalin at magagarang armas, hindi nagawang ipagtanggol ng mga namatay ang kanilang sarili. Bakit matagumpay ang katiting na BIFF na magsagawa ng opensiba? Dapat napaghandaan ng SAF ang worst scenario.

***

CHICKEN ● Ang manok ay natural na matatakutin. Kahit kaluskos lang ng kung anong bagay na malapit rito, agad itong umiiwas dahil takot nga. Sa American slang, ‘chicken’ ang tawag sa isang taong duwag; at ito ito ang inilarawan ni Top Rank chief executive Bob Arum kay undefeated American boxer Floyd Mayweather na nambibitin ng kumpirmasyon nito sa nalalapit na laban nito sa ating Pambansang Kamao Manny Pacquiao. Giit ni Arum na pumayag na sila sa lahat ng kondisyon ni Mang Floyd ngunit naghahanap lamang ito ng maidadahilan para hindi matuloy ang basagan ng mukha nina Pacman sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. Ani Arum, wala namang ibang dapat sisihin kung bakit hindi matuluy-tuloy ang sagupaan kundi si Mang Floyd. "Mayweather is not a boxer,” ani Arum, “because he's a chicken”. Tama rin naman dahil puro putak na lang ang narinig natin kay Mang Floyd.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS