NOONG dalagita pa ako sa maliit na isla ng Dumaguete na aking sinilangan, mayroon akong karanasang hindi ko kailanman malilimutan. Nagkaroon ako ng pagkakataong umakyat ng bundok sa pagsama ko sa aking mga kuya. Habang nagtatayo sila ng aming sisilungan, umakyat pa ako sa mas mataas na bahagi ng bundok na hindi naman kalayuan sa kanila. Doon, wala akong narinig ni anumang ingay. Sariwa at malamig na hangin ang aking nalanghap at waring napakalapit ng aking mukha sa kulay asul na kalangitan.

Nahiga ako sa damuhan at pinagmasdan ko ang kalangitan. Nakita ko ang mga ulap na waring naglalayag sa kulay asul na karagatan, at sa mura kong isip, lumikha iyon ng mga hugis. Doon sumagi sa aking gunita ang mapagmahal na Diyos. Nakatira nga ba Siya roon sa kalawakang aking minamasdan? Paslit pa nga ako noon upang isipin ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang kaharian. Ngunit ang nadama kong pag-iisa sa tuktok ng bundok, na malayo sa ingay ng madla, iyon ang isang pagkakataon na makasama ang Dakilang Diyos. Sa mga sandaling iyon, parang ayaw ko nang umalis sa aking kinaroroonan. Nilabanan ko ang pagsunod sa tawag ng aking kuya at ginusto ko pa yatang painitin ang ulo niya kaysa bumaba ako mula sa tuktok ng bundok.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Maaalala mo rin sa Mabuting Aklat ang parehong reaksiyon ni Pedro nang makita niya ang pagbabagong-anyo ni Jesus mula sa tuktok ng bundok. Hindi ako magtataka kung bakit gusto niyang manatili roon. Gayong mas kagila-gilalas ang naranasan ni Pedro sa tuktok ng bundok kaysa akin, alam kong dapat akong tumugon sa tawag ng aking kuya. Tulad ni Pedro, kailangan kong bumaba mula sa bundok at magbalik sa lambak nang may bagong sigla, may bagong pag-asa.

Minsan, narinig kong sinabi ng isang pari sa kanyang sermon, na wala aniyang kahulugan ang bundok kung wala ang mga lambak at kailangan nating magbalik sa realidad matapos makaranas tayo ng kagila-gilalas na karanasan.

Kung pagod ka na sa paghahanap-buhay, sinasabi marahil ng Panginoon sa iyo na “Halika, magpahinga ka muna”. Ngunit kung nasa tuktok ka ng bundok, huwag kang manatili roon. Nais kumilos ng Diyos sa pamamagitan mo para sa iyong kapwa.