Paminsan-minsan, nakadarama tayo ng kabiguan. Gayong normal lang naman ang damdaming ito, kailangan mong maghanap ng paraan upang makita ang sarili at buhay sa ibang anggulo. Minsan, hindi natin pinapansin ang maliliit na bagay. Dahil hindi ka isang milyunaryo, hindi ka nakatira sa isang mansiyon, at hindi ka nagmamaneho ng isang magarang kotse, ay isa ka nang malaking kabiguan. Sa totoo lang, kabalintunaan ito.
Paano mo malalaman na nagtatagumpay ka na? Narito ang ilang palatandaan na nagtatagumpay ka na sa buhay:
- Hindi na gaanong madrama ang iyong mga relasyon tulad ng dati. – Hindi maturity ang drama. Habang tumatanda tayo, kailangang ma-develop natin ang maturity. Marahil puno ng drama ang iyong mga relasyon noon, ngunit kung nalampasan mo na ang mga iyon, successful ka na.
- Hindi ka na natatakot o nahihiyang humingi ng tulong o suporta. – Kapag humingi ka ng tulong, hindi nangangahulugang nagpapakita ka ng kahinaan. Sa totoo lang, iyon ay pagpapakita ng katatagan. Wala pang nagtagumpay sa pag-iisa. Nangangailangan ng teamwork upang maabot ang goals. Ang paghingi ng tulong ay isang hudyat na lumagao ka na bilang indibiduwal.
- Itinaas mo na ang iyong pamantayan. – Hindi mo na tinitiis ang masamang pag-uugali ng iyong mga kasama o kahit na ng iyong sarili. Ipinababatid mo sa iyong mga kasama na sila ang mananagot sa kanilang ikinikilos. Hindi ka na sumasama sa barkada na ang lakaran ay alam mong pag-aaksaya lamang ng oras.
- Inaalis mo na ang mga bagay na nagpapasamâ ng iyong pakiramdam. – Bahagi ng tagumpay ang pagmamahal sa sarili. Kung mahal mo ang iyong sarili, tanggihan ang mga bagay na hindi nagpapasaya sa iyo, mga bagay na walang kinalaman sa pag-abot mo ng tagumpay, mga bagay na nagpapabigat sa iyong kalooban.