Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na may dapat asahang big-time price rollback sa tasty o loaf bread at pandesal sa mga pamilihan dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng liquefied petroleum gas (LPG).

Ayon sa DTI, dapat na magkaroon ng P4.75 bawas sa presyo ng tasty o loaf bread habang P1.60 naman sa bawat supot ng 10 pirasong pandesal.

Paliwanag ng kagawaran, umabot na sa P300 ang ibinaba ng presyo ng LPG mula sa dating P800-P900 na presyo ng branded na 11-kilo na tangke ng LPG na ginagamit sa pagluluto ng tinapay.

Bukod sa tinapay, iginiit din ng DTI na dapat ding bumaba ang presyo ng condensed, evaporated at powdered milk, instant noodles, sardinas, maging ng sabong panlaba.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Kahapon ay itinakdang makipagpulong ang mga opisyal ng DTI sa mga panadero at ilang manufacturer sa bansa para klaruhin ang dapat na price rollback sa tinapay at ilang bilihin.

Una nang inalmahan ng mga samahan ng panadero sa bansa ang naging pahayag ng DTI sa malaking pagbaba ng presyo ng tinapay na ibinatay sa pagbaba ng presyo ng LPG sa merkado.

Bagamat aminadong bumaba ang presyo ng LPG, iginiit naman ng mga panadero na hindi maaaring agad na magpatupad ng bawas-presyo sa tinapay dahil nananatili anilang mataas ang presyo ng mga pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay, gaya ng harina, asukal, mantikilya at gatas.