Isa ang nasawi at walong iba pa ang nasugatan sa walang habas na pamamaril ng tatlo hanggang apat na armadong lalaki na sakay sa isang kotse sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Namatay sa pinangyarihan ng krimen si Jessie Garcia, 22, ng Barangay Pio del Pilar sa Makati, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nasugatan at dinala sa kalapit na pagamutan ang walong kaibigan ni Garcia na natamaan din ng mga bala. Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng Makati City Police para tugisin ang mga nasa likod ng pamamaril na agad tumakas matapos ang krimen.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, masayang nakatambay at nagkukuwentuhan ang grupo ng mga biktima sa Mckinley Street sa Barangay Pio del Pilar nang dumating ang gray na AUV na hindi naplakahan at kinalululanan ng mga armadong suspek.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Rumesponde ang mga pulis at barangay tanod sa lugar at dinala sa ospital ang mga biktima.

Sa pahayag sa pulisya ng mga kaibigan ng biktima na nakakita sa insidente, pagbaba ng salamin ng bintana ng naturang sasakyan ay agad na pinagbabaril ang grupo ni Garcia na ikinasawi ng huli.

Narekober ng awtoridad ang halos 30 basyo ng bala na buhat sa M-16 rifle, .45 caliber pistol at .38 caliber revolver.