ILOILO – Sumuko sa awtoridad ang isang dating alkalde ng isang bayan sa hilagang Iloilo at 12 iba pa kaugnay ng pagpatay sa mister ng kaaway sa pulitika ng una noong May 2013 elections.

Sumuko nitong Enero 20 si dating Lemery Mayor Lowell Arban, na isinasangkot sa pagpatay kay John Apura, asawa ni incumbent Mayor Ligaya Apura.

Naninindigang wala siyang kasalanan, sinabi ni Arban na sumuko siya upang linisin ang kanyang pangalan.

Ang 44-anyos na si John Apura ay pinagbabaril habang sakay sa isang Nissan Patrol noong Mayo 6, 2013. Patungo noon ang biktima sa isang barangay upang mangampanya para sa re-election ng asawa niyang si Ligaya.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Ayon sa mga saksi, pinagbabaril ng anim na lalaki ang sasakyan ng biktima. Napatay din sa insidente ang kaanak ni John na si Rodel Lope.

Kumandidato si Mayor Apura sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) habang miyembro naman ng Liberal Party si Arban.

Kabilang sa mga sumuko kay Judge Rogelio Amador, ng Regional Trial Court (RTC)-Branch 66 sa Barotac Viejo ang mga kapatid ng dating alkalde na sina Mildred Arban at Limuel Arban at 10 iba pang suspek.

Kaugnay nito, umaasa naman si Mayor Apura na ang pagsuko ng grupo ni Arban ay unang hakbang na sa pagkakaloob ng hustisya para sa asawa niyang pinaslang.