HALOS labing-pitong buwan na lang ay pambansang halalan na uli. Sa Oktubre ang tinakda ng Comelec sa paghahain ng Certificate of Candidacy sa lahat ng kakandidato sa 2016 – Pangulo, Bise-Presidente, Senador, Congressman, Governor, Provincial Board Member, Mayor, Vice Mayor at Councilors. Kaya hindi nakapagtataka lumobo ang pambansang gugulin ng P2.6 trilyong piso na ayon sa mga eksperto hal. Leonor Briones dating Kalihim ng National Treasury, kalahati nito, tadtad sa pork-barrel, lump sum, at discretionary fund.

Bale ba pondo ito para sa kampanya dahil nag-iipon ang mga ka-tropa ng pamahalaan para sa darating na eleksyon. Kung wala daw PDAF ang mga Senador at Congressman, ay dahil inimbak nila sa mga Kagawaran ng Sangay Ehekutibo ang naturang gugulin. Ito para kung may kailangan ang Mambabatas ipagawa o gastusan – bahala na ang naturang departamento na ipatupad ito, at sa “pitik”, kung meron mang usapan? Asahan ang budget sa 2016 mas lalo pang titindi sa “tongpats” para pangmudmod sa boto, kampanya, at pambili ng resulta sa PCOS.

Sa ating mga kababayan – luto na po ang resulta sa 2016. Tinalakay na ito sa aking programa sa telebisyon (Channel 8 Destiny Cable, GNN Republika 8:10pm tuwing Martes, at Channel 213 sa Sky Cable, Channel 1, G-Sat) sa usaping ‘PCOS Tikas’. Ang tikas sa Cebuano ay –dayaan. Ayon ni Toti Casino ng Philippine Computer Society at Ado Paglinawan, kapag binigay muli ng Comelec ang PCOS sa Smartmatic, yari na ang halalan. At nagkagayon na nga. Sinangla muli ang ating demokrasya sa kumpanyang tumisod sa kagustuhan ng bayan. May 2 pang kapaganapan na sisiguro kung bakit luto na ang susunod na eleksyon: Ang pagturo sa tatlong bagong Comelec Commissioners na puro maka-Administrasyon sa mababakanteng puwesto nitong Pebrero (alam ko na kung sino sila); at ang pagbasbas ni PNoy kay Secretary Mar Roxas bilang kahalili nito sa panguluhan. Walang magagawa si PNoy dahil, magkadikit ang pusod nila ni Secretary Butch Abad sa lahat ng mga dokumento (DAP at kaperahan) na pirmado nito.

At siyempre, marami sa “katropa” ni PNoy hindi kaibigan ni VP Binay, at baka mapakulong pa ito sila. Kaya puwersado ang Palasyo na itaas ang kamay ni Mar Roxas, para iwas rehas. Kumpleto na rekado sa 2016.
Probinsya

Centennial bust ni NA F. Sionil Jose, inilantad sa publiko