Umapela ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga operator ng cargo truck na magdeklara ng “truck holiday” sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis bunsod ng inaasahang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

“Ilang itinalagang ruta para sa mga truck ang isasara upang bigyang daan ang papal convoy. At dahil hindi papayagang makabiyahe ang mga truck dahil sa isyu ng seguridad, mas makabubuti na magdeklara na lang ng truck holiday,” pahayag ni Tolentino.

Ito ay sa kabila ng apela ng Private Congestion Multi-Sectoral Technical Working Group (PC-TWG), isang grupo na nakatutok sa problema ng port congestion, na buksan ang mga alternatibong ruta para sa mga truck upang maiwasan ang muling pagkakaipit ng mga freight container sa Port of Manila.

Kasabay nito, nanawagan din si Tolentino sa mga operator ng cargo truck na kunin ang kanilang kargamento sa Port of Manila bago dumating ang Papa bukas.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Tatlong oras bago ang pagdating ni Pope Francis ay isasara ang mga sumusunod na ruta: Villamor Airbase sa Pasay City hanggang sa Apostolic Nunciature sa Manila.

May distansiyang 22.30 kilometro, isasara rin ang mga dadaanan ng papal convoy: ang Andrews Avenue, Domestic Road, NAIA Road, Roxas Boulevard, Quirino Avenue at Taft Avenue.

Isasara rin ang Sales Bridge, SLEX/Skyway, Magallañes, Osmeña Highway at Quirino Avenue, na dadaanan din ng convoy ni Pope Francis.

Sinabi ng MMDA na inaasahang aabot ng 45 minuto ang biyahe ng papal convoy mula Villamor Airbase hanggang Apostolic Nunciature.