Ang Commission on Elections ay binabatikos sa pagpapasyang igawad ang P300 milyong halaga ng kontrata sa Smartmatic consortium upang kumpunihin ang may 80,000 PCOS machine na ginamit sa eleksiyon noong 2010 at 2013, na gagamitin uli sa halalan sa 2016. Mauunawaan natin na ang Smartmatic ang pinakamainam na entity upang gawin ang naturang trabaho dahil ito ang unang nagkaloob ng mga machine. ngunit may batas na kailangang sumailalim sa public bidding ang mga kontrata ng gobyerno at ito ay isang legal issue na magbubukas sa Comelec at mga opisyal nito sa aksiyon ng hukuman.

Ngunit bukod sa legal isyung ito, lumutang ang katanungan: Bakit gagamitin uli ang PCOS machines sa harap ng pagdududa ng publiko sa kahusayan nito, ang pagiging bukas nito sa manipulasyon tulad ng iba pang electronic gadget, at ang kabiguan ng Comelec sa nakaraang mga eleksiyon na tiyakin sa publiko na ang kinakailangang source codes at iba pang safety measures ay nakahanda na? Sa mga kaso kung saan ang manu-manong pagbibilang ang isinagawa, may malaking pagkakaiba sa ulat ng resulta ng eleksiyon na inisyu ng machine at ang manu-manong eksaminasyon at pagbibilang. May ilang bilang ng eleksiyon ang tuwirang hindi kapani-paniwala – 2013 presidential candidate Joseph Estrada natalo sa sarili niyang San Juan City!

Sinabi noon ni Sen. Sergio Osmeña III na kinakatigan niya ang mungkahing bibilangin ang mga boto nang manu-mano sa mga presinto, at pagkatapos, ita-transmit electronically sa mga municipal, provincial, at national canvassing center. Mabibigyan nito ang publiko ng isang record ng precinct count na maaaring gamitin ng independent sectors sa pagsasagawa ng total counts. Kung ang mungkahing ito ay mangangailangan ng aksiyon sa Kongreso, nanawagan si Sen. Osmeña sa kanyang kasama na si Sen. Aquilio “Koko” Pimentel, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms para sa agarang remedyo.

Kung gagamitin uli ang mga PCOS machine sa 2016, tulad ng pagkakagamit noong 2010 at 2013, ang mga pagdududa na natipon sa loob ng maraming taon ay maaaring lumago hanggang sa pagdudahan ang resulta ng presidential election. Hindi puwede iyon. ngayon pa lang, kailangang gumawa tayo ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak hindi lamang ang malinis at matapat kundi pati na rin ang transparent at handang panagutang eleksiyon.

Sen. JV walang tinatanaw na 'utang na loob sa UniTeam: 'I was boosted out of the line up!'

Noong 2010, nais ng noo’y Pangulong gloria Macapagal Arroyo ang unang pagpapatupad ng automated elections – kung saan malalaman ng bansa ang resulta sa loob lamang ng ilang araw o oras sa halip na buwan tulad ng dati – bilang bahagi ng kanyang legacy. Maaaring naisin ni Pangulong Benigno S. Aquino III na gawin bilang bahagi ng kanyang legacy na ihinto ang pang-aabusong na lumutang doon at gawin ang automated elections na tunay na mahalagang bahagi ng demokrasya ng Pilipinas.