Mga laro ngayon: (JCSGO Gym)

12 p.m. Cafe France vs. AMA University

2 p.m. MJM Builders vs. MP Hotel

4 p.m. Wangs Basketball vs. Cebuana Lhuillier

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Malaki pa ang pag-asang makahabol para sa unang dalawang outright semifinals berth, tatangkain ng Cafe France na maitala ang ikalimang sunod na panalo na maglalapit sa kanila sa namumunong Hapee at Cagayan Valley sa pagtutuos nila ng AMA University sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.

Taglay ang kartadang 7-2 (panalo-talo), posible pang makahirit ng isa sa top spots para sa outright semis berth ang Bakers kung mawawalis nila ang huling dalawang laro sa eliminations, kabilang na ang laban ngayon sa Titans at huling laro laban sa Wang’s sa Enero 19.

Gayunman, hindi na nila hawak ang kanilang kapalaran dahil lamang sa kanila ng dalawang panalo ang Fresh Fighters at ang Rising Suns na nangingibabaw ngayon na taglay ang malinis na barahang 9-0.

Kinakailangan nilang umasa na matalo sa huling dalawang laro ang alinman sa Hapee at Cagayan para makasingit sila sa unang dalawang upuan sa semifinals.

Makakatunggali ng Fresh Fighters sa huling bahagi ng eliminations ang Jumbo Plastic at Rising Suns habang ang isa pang huling makakalaban ng Cagayan sa pagtatapos ng elims ay ang Wang’s Basketball.

Gayunman, hindi man makasingit sa outright semifinals, nakatitiyak na sila ng twice-to-beat incentive sa playoffs.

Sa kabilang dako, may gahibla pang tsansang makahabol sa huling slot sa quarterfinals, sisikapin naman ng AMA University na makaahon sa kinahulugang tatlong sunod na pagkatalo na nagbaba sa kanila sa barahang 3-6 (panalo-talo).

Kapwa wala nang tsansang umusad pa sa susunod na round, mapaganda na lamang ang kanilang final placings ang tatangkain naman ng MJM Builders at MP Hotel sa ikalawang laban sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Samantala, magtatapat naman sa tampok na laro ang wala sa contention na Wang’s Basketball at ang pasok na sa playoff na Cebuana Lhuillier na maghahabol namang bumangon sa huling pagkatalo sa kamay ng Bakers noong nakaraang Huwebes sa overtime na nagbaba sa kanila sa barahang 4-4.