Nagbigay ng reaksyon si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara kaugnay sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na tanggalin ang expiration period ng service credits na ibinibigay sa mga guro tuwing nagsisilbi sa eleksyon.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11212-A, pwede nang gamitin ng kaguruan ang kanilang service credits anomang oras pagkatapos ng maglingkod sa halalan.
Pinawalang-bisa nito ang dating polisiya na nagmamandatong gamitin ang credits sa loob lamang ng tatlong buwan.
Kaya sa pahayag ni Angara nitong Miyerkules, Agosto 12, sinabi niyang malaking ginahawa umano ito para sa mga guro.
“Hindi biro ang magsilbi sa halalan—dinaranas nila ang matinding puyat, pagod, at minsan pa’y panganib, para lang maprotektahan ang boto ng bawat Pilipino,” saad ni Angara.
Dagdag pa niya, “[N]ararapat lamang na hindi natin ipagkait o limitahan ng strict deadlines ang kanilang karapat-dapat na pahinga at benepisyo.”
Pinasalamatan ng kalihim ang Comelec sa mabilis na pagdinig sa kanilang pakiusap.
Samantala, pinuri naman ni Angara ang pagresponde ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa panawagan ng mga guro na magkaroon ng ganitong mas flexible na bakasyon at pahinga.