Nagpakawala ng maaanghang na salita si Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando laban kay Department of Labor Employment (DOLE) Sec. Francis Tolentino matapos nitong sabihin sa isang panayam na wala umano itong magagawa sa nakabinbing dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
"Lahat po ay naghihintay kung anong mangyayari hanggang bukas. Hindi ho natin mapangunahan kung ano 'yong gagawin ng Lady Judge. May mga clarificatory order siyang kailangang gawin. Ayaw kong pangunahan 'yon," anang kalihim sa DZMM Teleradyo nitong Miyerkules, Agosto 12.
Kaya sa isang video statement na ibinahagi ni San Fernando sa kaniyang Facebook page niton ring Miyerkules, kinuwestiyon niya ang pakinabang ng Administrative Order No. 264 na nagmamandatong lahat ng wage order ay epektibo at executory, kabilang na ang sinuspinde kamakailan ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152.
“Ano ba 'yan, Secretary? Inutil ka ba? Ikaw mismo 'yong naglabas ng Administrative Order tapos hindi mo mapatupad?” saad ni San Fernando.
Dagdag pa niya, “Nandiyan na 'yong A.O. mo. Ikaw mismo ang sumulat niyan. Ang gagawin mo lang e ipatupad 'yan..”
Iminungkahi ni San Fernando kay Tolentino na pagalawin ang mga inspector ng DOLE para tingnan kung aling business establishment at employer ang hindi sumusunod sa pagpapatupad ng dagdag-sahod sa mga manggagawa kahit may inilabas nang A.O ang ahensya.
Kaugnay na Balita: Akbayan, nagpadala ng ‘love letter’ sa SC