Isinasangkot ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa umano’y pangingidnap, pangingikil at pagnanakaw sa ilang dayuhan bago ang Christmas break noong nakaraang buwan.

Sa isang liham kay BI Commissioner Siegfred B. Mison na may petsang Disyembre 23, 2014, humiling ang NBI ng mga dokumento na may kaugnayan sa pag-iimbestiga ng NBI-National Capital Region sa sinasabing kidnapping, extortion at pagnanakaw na ginawa umano ng ilang immigration officer.

Ang NBI at BI ay parehong nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Department of Justice (DoJ).

Kabilang sa mga dokumentong hinihingi ng NBI ang spot report, initial report at progress report sa insidente, mission order no. SBM-2014-018, personal data sheets na may litrato ng mga tauhan ng BI na sangkot sa operasyon noong Disyembre 18 sa Makati City, preliminary reports, commitment orders at iba pang mga dokumento.

National

Tawi-tawi, niyanig ng 4.4-magnitude na lindol

Ang bagong operasyon ay batay sa Mission Order para sa mga kawani ng BI na sina Steve A. Parcon, Ma. Irense Arsenia Bello, Faizal T. Macabuat, Eulalio D. Padua at Emir Anton A. Borlongan.

Subject ng MO si Wang Dafeng, 37, na may petsang Disyembre 16 at valid sa loob ng pitong araw.

Gayunman, hindi isinilbi ang MO at sa halip ay ginamit sa pagdakip sa dalawang babaeng Chinese na sina Huang Lei, at Danni Lim. May working visa si Lim at bumibisita sa ilang kaibigan sa Makati. Natukoy namang 59 na araw nang paso ang visa ni Lei at iniutos na i-deport siya.