Dalawang preso ang nasawi habang 19 na iba pa ang nasugatan kabilang ang dalawa na kritikal ang kondisyon makaraang sumabog ang isang granada sa loob ng Maximum Security Compound (MSC) ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang isa sa dalawang nasawing preso na si Jojo Pangco, na nalagutan ng hininga dakong 10:35 ng umaga.

Dinala naman ang mga sugatan sa NBP Hospital subalit ililipat sa Ospital ng Muntinlupa sina RJ Lakdao at Alvin Cruz na kapwa kritikal ang kondisyon.

Ayon sa inisyal na ulat ni NBP Officer-in-Charge Superintendent Richard Schwarzkopf Jr., dakong 9:55 ng umaga nang sumabog ang isang MK2 fragmentation grenade na pinaniniwalang inihagis sa selda ng Commando Gang sa Building 5-D sa Maximum Security Compound ng NBP.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring pagsabog sa NBP upang matukoy ang nasa likod ng paghahagis ng granada sa selda ng naturang grupo.

Nangyari ang pagsabog matapos ang serye ng paggalugad at pagiinspeksyon sa NBP ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pangunguna ni Department of Justice (DoJ) Secretary LeilaDeLima, na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga kontrabando at mamahaling gamit ng ilang high-profile inmate sa kani-kanilang kubol.