Hindi pinalampas ng mga banyagang mananakbo ang isinagawang karera na layunin na makatulong sa proyektong makabayan ng Burgos Batch ‘72 at Burgos Central School Alumni Association sa lalawigan ng Pangasinan na nilahukan ng 300 runners na nagbuhat sa Lingayen, bayan ng Bolinao at Burgos.

Nangibabaw sa tampok na limang kilometrong takbuhan ang Kenyan na si Joseph Mururi, na nakapagtala ng pinakamabilis na15 minuto at 39 segundo para tanghaling kampeon sa 2nd Alumni Homecoming Fun Run na nagsimula at natapos sa Burgos Central School Oval.

Pumangalawa at pumangatlo sa dayuhan ang mag-anak na sina Raymundo Torio (16:34) at Reynante Torio (16:57), na napabilang sa umangkin ng karangalan at kinilala nina Bulgar sports editor Nympha Miano-Ang, na siyang race directress, Caranglaan chairman Nestor Birog, Burgos Head Alberto Guiang at Brig. Gen. Noel Miano.

Sa kabilang dako, tinanghal na reyna si Lanz Cardona (25:55), kasunod sina Mary Ann Perez (26:08) at ikatlong si Efigine Dumlao (26:12) sa aktibidad na layong malagyan ng ilaw ang Multi-Purpose Sports Complex ng paaralan.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Nauna sa side event na Tatlong Kilometrong ruta, sina Anthony Caracus (10:06) & Roselyn Butom (12:05), kabuntot sina Alex Balanog (10:09) & Renalyn Ramos (13:12), at Marvin Manuel (10:26) & Angelica Ranet (16:23), na nabiyayaan din ng salaping gantimpala.

Kabilang sa pinarangalan ang Lingayen City bilang Biggest Batch, ang anim na taong Youngest Runner na si Earl Bustin Jona at ang 68 anyos na si Ed Manayaw, bilang Oldest Runner, ng kaganapang nilahukan din ng mga alumni ng Batch ‘72, ‘76 at ‘79.