Isang pinagkakatiwalaang kasambahay ng dalawang doktor ang naaresto ng mga pulis-Maynila makaraang magnakaw ng mga alahas at pera na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Dinakip si Joanna Ballesteros ng mga pulis sa Guiguinto, Bulacan matapos siyang magbakasyon at kasabay nito ay nadiskubre ang pagkawala ng pera at mga alahas sa bahay ng dalawang doktor.
Nabatid na parang kamag-anak ang trato ng mga biktimang sina Dr. Marian Sanchez at Dr. Ma. Socorro Santos, kapwa residente ng Tondo at mga espesyalista sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at sa University of Santo Tomas sa España Boulevard, kay Ballesteros, ayon kay PO3 Rodel Benitez.
Apat na taon nang nagtatrabaho ang suspek sa mga biktima.
Sinabing hindi lang kasambahay kundi umaaktong secretary na rin si Ballesteros para sa mga amo, idinagdag ni Benitez—kaibigan ng mga biktima—na wala siyang natanggap na regalo mula sa mga kaibigan na ipinadala ng mga ito sa suspek bago pa sumapit ang Pasko.
Sa paghahanap ng mga biktima sa silid ni Ballesteros, nakita nila ang mga hindi naibigay na regalo na nakatambak sa isang sulok ng kuwarto. Sa paghahalughog sa mga gamit ng suspek, natagpuan din nila ang ilang resibo ng pagsasangla ng mga gintong singsing at jade items. Ang isa sa mga resibo ay nagkakahalaga ng P3,000 habang P25,000 naman ang isa pa.
Pagkatapos nito, ayon kay Benitez, ay nakumpirma ng dalawang biktima na nawawala nga ang nasabing mga alahas nila.
At sa paghahalughog ay natukoy ng mga biktima ang address ni Ballesteros sa Bulacan.
Inaresto rin ng mga pulis sa Maynila ang nobyo ng suspek na si Jose Marlo De Guzman na nagsasangla ng mga gamit na sinasabing ninakaw ng suspek. - Jenny F. Manongdo