Umabot na sa 2,785 ang mga nakatatanda, may sakit at may kapansanang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Ito ay sa kabila ng naiulat na plano ni Pangulong Benigno S. Aquino III na pagkalooban ng executive clemency ang nakatatanda at sakiting preso kasabay ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15-19.

Base sa datos mula kay NBP Supt. Richard Schwarzkopf Jr., mula sa kabuuang 2,785 preso, 1,715 sa mga ito ay senior citizen, 489 ay may kapansanan, 575 ang naka-confine sa NBP Hospital at anim na iba pa ang naka-confine sa mga ospital sa labas ng pasilidad.

Hindi rin mabatid ng NBP kung ilan sa 2,785 ang kuwalipikado para sa executive clemency.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Sa pagdinig sa NBP ng House Committee on Justice noong Oktubre, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta, na madalang ang pagbibigay ng executive clemency sa mga sakitin at matandang preso.

Ang bagong batas sa Good Conduct Time Allowance, na may layuning mabawasan ang sentensiya ng mga preso na nagpamalas ng magandang asal upang mabawasan ang mga bilanggo, ay kinuwestiyon din ng ilang sektor sa Korte Suprema.

Pinagtatalunan ng iba’t ibang sektor kung ang RA 10592 (GCTA) ay matuturing na “prospective,” na sumasaklaw lamang sa ilang preso na pumasa, o “retroactive” na saklaw lahat ng bilanggo.

Sa ilalim ng bagong batas, na nag-amyenda sa Revised Penal Code, ang isang preso—nakadetine man o nahatulan na—ay maaaring pagkalooban ng bawas-sentensiya bunsod ng magandang asal. - Jonathan M. Hicap