Dalawang kabataang atleta ang nakakuha din ng atensiyon nitong 2014 makaraang maging maugong ang kanilang mga pangalan sa kani-kanilang larangan dahil sa pag-ani nila ng karangalan.
Matapos maging slam dunk champion noong nakaraang taon sa FIBA Youth Championships inihayag ni Kobe Paras na maglalaro siya sa NCAA Division 1 school na University of California-Los Angeles Bruins.
Ibinalita ni Paras, nakababatang anak ng dating PBA Rookie-MVP na si Benjjie Paras sa dating aktres na si Jackie Forster, na `committed` na siya sa Bruins pagkatapos niya ng high school sa Cathedral, isa sa mga highest-ranked high school team sa Los Angeles.
Naging viral din sa social media ang video highlights ng mga naging paglalaro ni Paras sa Ball Life sa US.
Bukod kay Paras, naging headline din ng mga pahayagan at mga sports news sa broadcast media ang archer na si Gabriel Moreno, apo ng kilalang television host at movie personality na si German Moreno makaraang maging unang Filipino sa kasaysayan na nagwagi ng gold medal sa Youth Olympic Games.
Nagwagi si Moreno ng gold medal matapos makipagtambal kay Li JIaman ng China upang makamit ang gold medal sa international mixed team event ng archery ng nakaraang Najing Youth Olympiad.
Muli ring lumikha ng ingay ang ating national men`s football team na mas kilala bilang Philippine Azkals.
May pagkakataon na sana silang magwagi ng titulo sa nakaraang AFC Challenge Cup matapos makaabot ng finmals sa pamamagitan ng 3-2 panalo kontra Maldives sa kabayanihan ni Chris Greatwich noong Mayo.
Ngunit binigo ng Palestine ang kanilang ambisyon nang gapiin sila ng mga ito sa finals, 1-0.
Kasunod nito, kinapos din sila sa inorganisang Peace Cup ng Philippine Football Federation bilang preparasyon sa pagsali nila sa Suzuki Cup nang matalo sila sa finals sa kamay ng Myanmar, 2-3.
Bago ang nasabing torneo, marami ang nagulat nang magbitiw sa koponan sina Stephan Schrock at Dennis Cagara dahil sa hindi nila pagkakasundo ng headcoach na si Thomas Dooley.
Pagdating ng Suzuki Cup, nakabalik ang Azkals sa semifinals kasunod ng kanilang kauna-unahang panalo sa kasaysayan ng football sa Pilipinas kontra Indonesia.
Sa semis, nakuha pa nilang makapuwersa ng scoreless draw sa kanilang home game sa Rizal Memorial Track and Football Stadium kontra sa katunggaling War Elephants bago sila tinalo ng mga ito, 3-0 sa second leg na ginanap sa Bangkok kung saan natapos ang tsansa nilang umabot ng finals.
Sa UAAP, nakakuha rin ng espasyo sa aklat ng kasaysayan ng basketball sa bansa ang National University nang makapagtala ito ng di malilimutang kampeonato sa men`s basketball ng katatapos na UAAP 77th basketball season.
Tinapos ng Bulldogs ang kanilang 0-taong pagkauhaw sa titulo matapos gapiin ang Far Eastern University, 75-59 sa Game Three ng kanilang championships series.
Sa pangunguna ng mga senior players na sina Gelo Alolino, GLenn Khobuntin at Troy Rosario at ng finals MVP na si Alfred Aroga, nakumpleto ng Bulldogs ang isang cinderella finish bilang kauna-unahang no.4 ranked team sa Final Four na nagkamait ng kampeonato at malusutan ang limang do or die games.