July 20, 2026

Home BALITA National

'Anong tunay na pakay?' Mike Defensor, nagulat daw sa special session ni PBBM

'Anong tunay na pakay?' Mike Defensor, nagulat daw sa special session ni PBBM
File Photo

Nagulantang si dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor kaugnay sa inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa ikakasa nilang Congress special session sa darating na Miyerkules, Hunyo 17, 2026. 

Layon ng naturang special session na mabilis na ikonsidera ang pagpapasa ng ilang priority legislative measures na may kinalaman sa social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagpatawag ng Congress special session sa Hunyo 17

Sa inilabas namang reaksyon ni Defensor sa kaniyang Facebook post nito ring Lunes, Hunyo 16, sinabi niyang maaari naman daw na talakayin at aprubahan sa normal na proseso ng lehislatura ang mga panukalang batas sa halip na magpatawag ang Pangulo ng espesyal na sesyon. 

“[Nakakagulat at nakakagulantang] ang panawagan ng Malacañang para sa isang [Special Session],” pagsisimula niya. 

National

BSP, nagbabala sa ilegal na paggawa at pag-imprenta ng pera

Dagdag pa niya, “Ang mga panukalang batas na nais nilang ipasa ay maaari namang talakayin at aprubahan sa normal na proseso ng lehislatura.” 

Ani Defensor, wala naman daw pandemya, digmaan, krisis pang-ekonomiya o budget impasse na magsisilbing dahilan para magpatawag special session sa Kongreso. 

“Wala namang [pandemic]. Wala ng [digmaan]. Wala ring pambihirang [krisis pang-ekonomiya] o [budget impasse] na mangangailangan ng agarang pagpapatawag ng Kongreso,” aniya. 

Patutsada niya, “Kaya hindi maiwasang itanong: ano ba talaga ang tunay na pakay?” 

Pagpapatuloy ni Defensor, layunin lang daw ng pagpapatawag ng Pangulo ng Congress special session na mapalitan ang namamahala sa Senate Blue Ribbon Committee at mapatigil ang pag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects. 

“Isa lamang ang malinaw na dahilan: [palitan] ang liderato ng [Blue Ribbon Committee] at [itigil] ang imbestigasyon at pagsiwalat ng [katotohanan],” ‘ika niya. 

“Ibang klase!” pagtatapos pa ni Defensor. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si PBBM o ang Palasyo kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Senado, pormal na magpapaalam pa lang kay PBBM ng special session—Sen. Win

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Ping, bumilib sa attitude ni Sen. Joel