Nagbigay ng reaksiyon si Sen. Ping Lacson sa sinabi ni Sen. Joel Villanueva na handa umano itong sumipot sakaling magpatawag ng special session sa Senado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Maki-Balita: 'Hindi pwedeng puro away na lang!' Sen. Joel, bet humarap sa special session
Sa panayam ng Super Radyo DZBB nitong Linggo, Hunyo 14, sinabi ni Sen. Ping na bumilib daw siya sa ipinakitang attitude ni Sen. Joel.
“I admire 'yong attitude ni Sen. Joel na kino-consider niyang sagradong duty 'yong pag-attend ng special session. I just hope na 'yong ibang kasama niya sa bloc ni Alan Peter Cayetano e gano'n din ang attitude sana,” saad ni Sen. Ping.
Pero itinanggi ng senador na hindi umano lumapit si Sen. Joel para abisuhan sila na lilipat na ito sa Senate majority bloc na pinangungunahan ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Win Gatchalian.
Dagdag pa ni Sen. Ping, “Pati ‘yong kay Sen. Chiz, nabigla kami no’n, e. Nalaman na lang namin ‘yon no’ng one o’clock on that particular day, no’ng Wednesday, na in-inform kami na aattend siya ng session no’ng araw na ‘yon. “
Matatandaang nauna nang iminungkahi ng kampo ni Win ang pagsasagawa ng special session matapos mabigong maresolba ang sigalot sa liderato bago ang sine die adjournment ng Senado noong Hunyo 6.
Ayon kay Sen. Win, kinakailangang matalakay at maaprubahan ang ilang mahahalagang usapin, kabilang ang kumpirmasyon ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA), na naantala matapos mapatalsik ng grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Binoykot din ng grupo ni Sen. Alan ang huling tatlong sesyon ng Senado bago ito nag-adjourn. Ngunit sa pagpasok ni Sen. Chiz noong Hunyo 3, nagkaroon sila ng quorum, dahilan para makabuo ng bagong liderato.
Naihalal bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Win Gatchalian bilang kapalit ni Sen. Loren Legarda.
Kinilala ng Palasyo ang bagong lideratong ito ng Senado na sinegundahan naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Maki-Balita: Malacañang, kinilala ang 'bagong mayorya' at liderato ni acting SP Gatchalian
Maki-Balita; HS Bojie Dy, binati si acting SP Win Gatchalian