July 23, 2026

Home BALITA Politics

'Hindi pwedeng puro away na lang!' Sen. Joel, bet humarap sa special session

'Hindi pwedeng puro away na lang!' Sen. Joel, bet humarap sa special session
Photo courtesy: via JIL

Inihayag ni Sen. Joel Villanueva nitong Linggo, Hunyo 14, 2026 na dadalo siya sa posibleng special session na ipapatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado.

Sa isang video message para sa Jesus Is Lord Church Worldwide, sinabi ni Villanueva na malaki na ang naging epekto ng kasalukuyang alitan sa pamunuan ng Senado sa institusyon kaya kinakailangang isantabi na ang mga pagkakaiba sa pananaw sa pulitika para sa kapakanan ng mamamayan.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang hindi madamay ang mga empleyado ng Senado sa hidwaan sa liderato ng Mataas na Kapulungan.

“The Senate staff should not be caught in the middle of the fight. Hindi pwedeng puro away na lang. Bilang mga lingkod bayan prayoridad po dapat natin ang siguruhin na patuloy na nagtatrabaho ang bawat isa sa atin. Lalo na ang Senado para po sa ating mga kababayan,” pahayag ni Villanueva.

Idinagdag niya na handa siyang gampanan ang kaniyang tungkulin sakaling magkaroon ng special session.

Politics

'T*ng*han mo pa ngayon!' Ka Leody, binira si Sen. Robin!

“Sa pagkakataon po na magkaroon ng special session tutuparin po natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang batas. We will be there,” dagdag pa niya.

Nauna nang iminungkahi ng kampo ni acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang pagsasagawa ng special session matapos mabigong maresolba ang sigalot sa liderato bago ang sine die adjournment ng Senado noong Hunyo 6.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangang matalakay at maaprubahan ang ilang mahahalagang usapin, kabilang ang kumpirmasyon ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA), na naantala matapos mapatalsik ng grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Binoykot din umano ng grupo ni Cayetano ang huling tatlong sesyon ng Senado bago ito nag-adjourn.

Bago ang sine die adjournment, inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at itinalagang acting Senate President, isang posisyong kinilala ng Malacañang at ng House of Representatives.

Samantala, dumalo si Sen. Chiz Escudero, na dating kabilang sa grupo ni Cayetano, sa huling araw ng sesyon at tumulong upang mabuo ang quorum na kinakailangan ng Gatchalian bloc.