Sa patuloy na paglobo ng bilang ng matitigas ang ulo sa pagpapasabog ng mga rebentador, maaaring nasaid na ang pasensiya ng mga awtoridad sa paglulunsad ng kampanya laban sa ipinagbabawal na firecrackers. Maging tayong mga mamayan ay sinawaan na rin sa paghikayat sa ating mga anak at sa ating mga kapitbahay sa kanilang pambubulahaw dahil sa kanilang walang pakundangang pag-iingay at pagpapaputok ng mga rebentador.
Hindi magkulang ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) sa pagbubunsod ng kampanya upang maiwasan ang bilang ng mga napuputukan. Maging si Presidente Aquino ay nananawagan hanggang ngayon laban sa pagpapaputok ng rebentador para sa kaligtasan ng sambayanan, at sa paglubha ng problema sa polusyon.
Ipinalathala at ipinalabas ng DOH sa pahayagan at telebisyon ang nakapangingilabot na mga instrumento na ginagamit sa pagputol ng napuputukang binti at braso, sa nalalapnos na balat at iba pang bahagi ng katawan, at sa pagtahi ng nalasog na laman. Subalit tila hindi nasindak ang ating mga kababayang matitigas ang ulo. Resulta: Kabi-kabila ang biktima ng paputok.
Tinangka rin ng mga awtoridad na ilunsad ang total ban sa pagpapaputok ng rebentador. Agad naman itong inalmahan ng mismong mga tindera at ng firecracker manufacturers. Iminatuwid nila na mawawalan sila ng ikabubuhay. Maliwanag na hindi nila alintana na ang kanilang ikinabubuhay ay ikinamamatay naman ng kanilang mga kababayan. Sa hangaring maiwasan ang nagiging biktima ng mga ligaw na bala, iniutos naman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagseselyo ng kanyon ng mga baril ng pulis at sundalo upang hindi sila makapagpaputok. Layunin nito na maiwasan ang stray bullet na tulad ng pumatay sa 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella, tatlong Bagong Taon na ang nakalilipas.
Yamang hindi na rin lamang maawat ang matitigas ang ulo sa pagpapaputok na mistulang pagpapatiwakal, wala na tayong masasabi kundi ‘bahala na nga kayo sa buhay ninyo.’