Sinabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria na naiintindihan niya kung bakit sinasabing paborito ang Beermen na makopo ang PBA Philippine Cup, ngunit wala raw saysay ito pagdating sa paglalaro sa finals.
“Of course, yun ang iisipin ng mga tao kasi nga nand’yan si June Mar (Fajardo), and then naka-sweep pa kami against a very strong team in Talk ’N Text, na liyamado ang team namin para manalo ng championship,” sabi ni Austria.
“Pero pagdating sa finals, wala na ‘yang favorites na ‘yan, ‘yung mga stats sa nakaraang series wala na ‘yan. Ang titignan na ng mga tao is ‘yung energy ng team, kung nakapag-prepare ba kami ng maayos,” dagdag ni Austria.
Matapos ang dalawang araw na pahinga, nagbalik na sa ensayo ang SMB bilang paghahanda sa championship round kontra Rain or Shine o Alaska.
Maaaring tapusin ng Aces ang serye kontra Elasto Painters kung mananalo ito sa Game 6 sa Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Kinuha ng Alaska ang 3-2 na bentahe matapos magwagi sa Game 5, 93-88, noong Disymebre 27.
Sinabi ni Austria na pinaa-lalahanan niya ang kanyang players na panatilihin ang pokus at enerhiya na kanilang ipinakita laban sa TNT papasok sa best-of-seven series – ang unang pagkakataon na pumasok ang prangkisa sa isang title series makaraang matalo sa Game 7 ng Governors’ Cup kontra sa San Mig Super Coffee.
“Alam ko naman andu’n pa din ‘yung gutom ng players to win the title. Kailangan namin i-sustain yun. Na-achieve na namin ‘yung first goal na makarating sa finals, so ‘yung pangalang goal naman and that is to win the title,” ani Austria.
Samantala, nangunguna ngayon si June Mar Fajardo sa liga sa puntos (18.5), rebounds (12.7) at blocked shots (2.3), dahilan upang pangunahan ang karera para sa Best Player of the Conference (BPC).