Agad na naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa 16 bilanggong pumuga sa Cubao Police Sub-Station madaling araw kahapon.

Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Joel Pagdilao ang naarestong pugante na si Robert Lacaba, 26, miyembro ng Bahala Na gang, tubong Tacloban City.

Naaresto si Lacaba sa follow–up operation ng QCPD malapit sa kanyang bahay sa Barangay Immaculate bandang 4:00 ng madaling araw.

Pinaghahanap naman ngayon ng QCPD ang 15 pang pumuga sa detention facility ng Cubao Police Sub-station na sina John Sicat, 30; Benedict Guinto,18; Roberto Valdez,30; Rolando Araneta, 18; Wilmar Morales, 38; Emerson Castro, 20; Jeremy Llena, 25; Miguel Glino, 22; Rigor Alejandrino, 30; Rene Flores, 31; Allvin Lorensaga, 27; CJ Nuque, 19; Denni Natividad, 27; John Patrick Dionido at Thomas Evan Labutong, 25.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Nabatid na ang mga nakapuga ay nahaharap sa kasong snatching, pagnanakaw, panggagahasa at robberyholdup.

Base sa report ni Pagdilao, dakong 2:00 ng madaling araw, nakatakas ang mga bilanggo sa paglagari sa rehas na bakal sa likurang bintana ng bilangguan ng Cubao Police Station.

Bunsod nito, agad sinibak ni Pagdilao ang hepe ng Cubao Police na si Supt.Wilson Delos Santos at kinasuhan ng adminisratibo pati ang mga guwardiya na nakatalaga nang pumuga ang nasabing preso.