Hiniling ng isang grupo ng public school teachers sa Department of Education (DepEd) na maglabas ng paglilinaw sa inawas na buwis mula sa kanilang mga bonus na depende ang halaga sa bawat sangay ng kagawaran.

Bukod sa DepEd, nanawagan din ang Teachers’ Dignity Coalition, na may 30,000 miyembro sa buong bansa, sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na mag-isyu ng paglilinaw sa kinaltas na buwis mula sa kanilang Performance-Based Bonus (PBB).

Sinabi ni TDC National Chairman Benjo Basas na nakatanggap ng ulat ang kanilang grupo mula sa mga miyembro hinggil sa iba’t ibang halaga ng tax deduction mula sa kani-kanilang PBB.

Base sa TDC monitoring, may mga tax deduction mula sa bonus ng mga teacher na maliit ang halaga ngunit may mga inawas na buwis sa ibang guro na malaki ang halaga.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Ginamit na halimbawa ni Basas ang mga guro sa Cebu, Nueva Vizcaya at Isabela na binawasan ang bonus ng 10 porsiyento habang sa Negros Oriental ay 20 porsiyento.

Aniya, ang mga guro sa Tarlac at Pampanga ay kinaltasan ng walong porsiyento habang ang mga nasa Metro Manila at Calabarzon (Calamba, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay walang bawas.

Sinabi pa ni Basas na base sa Revenue Memorandum Order 23-2014, maaaring kolektahin ang buwis mula sa mga bonus na higit sa P30,000. - Ina Hernando Malipot