Inangkin nina Rochelle Vergara, Elsie Tampos, Riomar Vicente, Jerry Ocampo at dalawang Yellow Teams ang mga korona sa ginanap na culminating activity ng 2nd Philippine Sports Commission (PSC)-POC Laro’t Saya sa Luneta (LSL) “Play ‘N Learn” na Zumba Marathon, Football & Volleyball Challenges kamakalawa ng umaga sa Burnham Green grounds ng Rizal Park.

Nagawang iuwi ni Vergara, 39, ina ng tatlong anak, simpleng maybahay sa Malabon City na regular na nagsasasali at may 10 ulit nang nagwagi sa mga zumbathons, at ni Vicente, 21, ng Navotas City at metal fabricator sa AS Rivera Metals, ang korona sa Female & Male 18-40 age group para tanggapin ang tig-P2,000 premyo.

Ipinagkaloob nina POC-PSC-Laro’t Saya sa Parke (LSP) PNL officials Dr. Lauro Domingo, Jr. (project manager), Merlita Ibay (marketing & promotions director) at Julia Llanto (coordinator).

Nasungkit naman nina Tampos, 47, ng Novaliches, Quezon City at may dalawang anak, at Ocampo, trabahador sa National Food Authority-Central Office sa QC rin, ang mga unang pwesto sa female & female 41-55 years old para makamit ang katulad na cash prizes nina Vergara at Vicente sa 2 oras at 30 minutos na zumbafest na nilahukan ng may 200 mananayaw.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Naging special awardees na tumanggap ng tig- P500 sina Emelito dela Cruz at Flordeliza Lorenzo na Wackiest Dancers male & female, at Metro Aid group at si Dennis Larazo na men’s at women’s Best in Costume.

Umiskor naman ng dalawang panalo ang Yellow-Manila sa volleyball sa pagtaob sa Red-Mla., 25-18, 25-18, at sa Blue-Kawit, 25-15, 25-11 para rin sa P2,000. Ikalawa ang Blue-Kawit na may P1,000 sa 25-19, 25-19 panalo kontra Green. Ikatlo ang Green na may P500 at umiskor ng 25-23, 25-21 decision sa kulelat na Red.

Nagwagi din sa 4-Manila-based teams football ang Yellow na nanalasa sa 3-0 win sa sumegundang Red, 3-0, at 3-2 escape sa tumerserang Green para isubi ang P2,000. Wagi ang Red sa Blue, 1-0, na may P1,000, at panalo rin ang Green sa Blue, 1-0, at kubrahin ang P500.

Kasama naman nina Domingo, Ibay at Llanto sa nagpalakad ng isang araw na 3-in-1 sportsfest sina Warren Gabriel, Arch. Noel Elnar, Tito Dacuma, Lina Colendrino, Beth Agulan, Fred Joves, Evelyn Abangon, Rey Samarista, Ellen Constantino, Sherwin Tan, Rico Barin, Belinda David, Connie de Guzman, Paul Ignacio, Carol Tobias, Roy Mercado, Manny Martinez, Ariel Flores, Oscar Pepelera, Daniel Gelarpez, Jeff Reyes, Rafael Eder, Memerto Madali, Berto Mulato, Fernando Carlos, Rodolfo Acebuche, Angel Maza, Roland Tobias, Eddie Montalban, Lymuel Sequilla, Rosanna Quindo, Espie Mauricio at Ricky Escogal.