Hinimok ng ecological group na EcoWaste Coalition ang publiko na huwag mag-aksaya ng pagkain ngayong Pasko at Bagong Taon, iginiit na maging si Kristo ay tutol sa pagsasayang ng pagkain.
“Remember, the first Christmas was celebrated for its humble simplicity in a manger in an unknown corner of Bethlehem,” pahayag ni zero waste program officer Christina Vergara.
Mungkahi ng grupo, maghanda lamang ng sapat para sa pamilya sa Noche Buena at Media Noche at planuhin ang mga ihahanda. Gawin itong simple, healthy at economical. Iwasang maghanda nang labis-labis para sa pamilya at mga inaasahang darating na bisita. Ang sobrang pagkain ay ibahagi sa iba, lalo na sa mga nangangailangan. Iwasan ang pagkain sa labas at ipagdiwang ang Pasko sa loob ng tahanan kung saan makokontrol ang dami at uri ng pagkain at inuming ihahain.
Tingnan muna ang laman ng refrigerator at kusina bago mamamalengke at ilista ang mga bibilhin.