Isang malamig na umaga, sa buwan ng Disyembre, may isang batang lalaki na nakatanghod sa hanay ng mga kendi sa isang convenience store. Hindi makapagpasya ang batang ito kung ano ang kanyang bibilhin. Sapagkat napagod na ang kanyang ina sa kahihintay, sumigaw ito, “Ano ba, Jopet! Ang tagal-tagal mo riyan! Gastusin mo na iyang barya mo! Magluluto pa ako ng cake na ireregalo ko sa ninang mo sa Pasko!” Sumagot ang nakasimangot na si Jopet, “Ma, piso lang po ang pera ko kaya kailangang gamitin ko ito nang mabuti.”

Gayundin ang ating buhay, kailangang gamitin nating mabuti. Kung tayo ay “may sa pusa”, meaning, may siyam na buhay, maaari nating gamitin ang walo para sa kasiyahan o sa pagpapayaman. Sapagkat maigsi lamang ang buhay, maihahalintulad din ito sa isang parol. Ang parol ay isang bagay ng kagandahan. Bilang simbolo rin ng Pasko, nagbibigay din ito ng masasayang alaala ng pamilya at ng nagpapaalala ng ating pananampalataya sa Diyos. Mahalaga ang ginagampanan nitong papel tuwing panahon ng Pasko. Ngunit ang nakalulungkot lamang ay maigsi ang buhay ng parol. Pagkatapos ng panahon ng Pasko, liligpitin na ito, itatago marahil sa isang bodega at hindi na masisilayan kundi sa susunod na Disyembre na naman, kung ayos pa ito.

Dahil ang bilang ng ating mga araw ng pamamalagi natin dito sa daigdig ay kakaunti, kailangang gampanan nating mabuti ang ating mahahalagang tungkulin: ang maging mabuting guro sa iyong mga estudyante, ang maging mabuting magulang sa iyong mga anak, ang maging mabuting anak sa iyong mga magulang, ang maging mabuting empleyado para sa pinapasukang korporasyon, ang maging mabuting Kristiyano para sa iyong Diyos at kapwa... habang tayo ay nagniningning sa panahon ng Pasko. Kailangang maging makulay ang ating buhay na tulad ng isang parol na nagdudulot ng pag-asa at inspirasyon sa iba. Pinayagan tayong magningning ng Diyos upang magdulot ng inspirasyon upang ang iba naman ang magningning sa pamamagitan ng magagandang halimbawa.

Maigsi nga ang ating buhay kung kaya kailangan nating itong gawing maganda.
National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'