Ngayong naipagkaloob na sa kanyang ang ranggong commodore, nagpahayag ng kahandaan si boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na ipahiram ang kanyang yate sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ito, ayon kay PCG Commandant Vice Admiral Rodolfo Isorena, ay kung mangangailangan ng karagdagang “floating asset” ang ahensiya sa pagsasagawa ng search and rescue mission sa karagatan ng General Santos City at Davao.

“Ano mang oras na kakailangan (ang yate), handa siyang ipagamit ito. Hindi na tayo kailangang humiram. Karaniwan ay kung hindi humihiram ay umuupa kami ng available sea asset,” paliwanag ni Isorena.

Ayon kay Isorena, magagamit din ang yate ni Pacquiao sa pagpapatupad ng batas.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Dapat ay pangungunahan ni Isorena ang panunumpa sa tungkulin ni Pacquiao bilang bagong miyembro ng PCG Auxiliary (PCGA) Executive Squadron sa isang seremonya noong Miyerkules subalit hindi nakatungo ang Coast Guard official sa General Santos City dahil sa kanyang appointment sa Manila.

Naghanda ng isang Pershing cap, squadron badge at dalawang shoulder board na may tag-isang bituin ang inihanda ng PCG para sa donning ceremony ni Pacquiao sa General Santos City. Sa halip na si Isorena, si PCG Deputy Commandant William Melad ang nanguna sa panunumpa kay Pacquiao bilang PCG commodore.

Ang ranggong commodore ay katumbas ng brigadier general sa Armed Froces of the Philippines (AFP).

Sa ilalim ng Republic Act 9993 o Philippine Coast Guard Act of 2009, itinatalaga ang PCGA bilang isang “full partner agency” na pinangangasiwaan ng PCG commandant.

Bukod sa search and rescue mission, ang PCGA ay itinatalaga rin sa humanitarian relief operations tuwing may kalamidad sa ano mang bahagi ng bansa.