Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamong tax evasion ang isang negosyante na nagsu-supply ng birthday cake ng mga senior citizen sa Makati City noong nanunungkulan pa bilang punong bayan si Vice President Jejomar C. Binay hanggang ngayon kay Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay.

Kinilala ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto ang inireklamo sa Department of Justice (DoJ) na si Kimtun Chong, operator ng Cups and Mugs Kitchenette (CMK) sa Guadalupe Nuevo, Makati City.

Matatandaan na ibinulgar ni Atty. Renato Bondal sa Senate Blue Ribbon Committee na nagkakahalagang P1,000 ang isang cake na ipinamamahagi ng Makati government sa bawat citizen sa siyudad na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Subalit kinalaunan ay lumitaw na nagkakahalaga ang bawat birthday cake ng P308 base sa mga dokumentong iniharap ni Sen. Nancy Binay, anak ni VP Binay.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Lumitaw sa imbestigasyon ng BIR na inupahan ng lokal na pamahalaan ang CMK bilang supplier ng mga birthday cake, at caterer ng Makati City Hall cafeteria at Ospital ng Makati mula 2009 hanggang 2011.

Sa nabanggit na tatlong taon, nagdeklara ang CMK ng gross income na umabot sa P43.2 milyon.

Subalit lumitaw sa audit ng mga tax fraud investigator na binayaran ng Makati government ang cake supplier ng P107.6 milyon.

“As a consequence of his acts and omissions, Chong was sued for an aggregate income tax liability amounting to P46.6 million, inclusive of surcharges and interests,” pahayag ng BIR chief. (Jun Ramirez)