Sa pamamagitan ng isang batas, dinoble ang burial assistance para sa ating mga beterano at retiradong sundalo; mula sa dating P10,000, ito ay ginawang P20,000 na magkakabisa 15 araw matapos na ang naturang batas ay nilagdaan ni Presidente Aquino kamakailan.

Ang dinobleng burial assistance – bagamat maituturing na huling biyaya para sa mga beterano at retiradong kawal sapagkat ito ay ipagkakaloob sa kanilang pagpanaw sa daigdig – ay sumasagisag sa kanilang kabayanihan sa pagtatanggol ng ating kasarinlan. Tulad ng sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV, awtor ng nasabing batas, marapat lamang dagdagan ang benepisyo ng naturang mga sundalo sapagkat buhay at dugo ang kanilang ibinuwis para sa ating bansa. Maaaring hindi na nga nila pakinabangan ang nasabing dagdag na biyaya, subalit ito ay tiyak na makatutulong, kahit paano, sa kanilang mga naulila. Ang ganitong pagsisikap ni Trillanes na ginawa bilang isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay isang panggising sa mga mambabatas na minsan ay naging bahagi rin ng Philippine National Police (PNP). Hindi ko matiyak kung nagkaroon na ng gayong mga dagdag na biyaya para naman sa ating mga retiradong pulis na tiyak na gumanap din ng mahalagang tungkulin sa pagtatanggol ng ating bansa at mga mamamayan. Dapat ding dagdagan ang kanilang burial benefits upang makatulong din sa kani-kanilang mga pamilya.

Sa kabila ng pagkakaloob ng nabanggit na mga biyaya, kabilang ako sa mga naniniwala na ang anumang pag-ayuda sa mga beterano at retiradong sundalo at pulis ay dapat sanang ipagkaloob habang sila ay nabubuhay; at hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ang mga nanunungkulang mga mambabatas mula sa AFP at PNP ay dapat bumalangkas ng mga panukalang-batas na magkakaloob naman ng dagdag na biyaya at oportunidad para sa mga nanunungkulang pang mga sundalo at pulis. Hindi nakapanghihinayang na sila ay saklolohan, lalo na nga kung iisipin na sila ang laging nangangalaga sa ating seguridad laban sa mga kampon ng kasamaan. Talagang hindi pagsisisihan ang anumang dagdag na benepisyo sa huwarang mga lingkod ng bayan.
Eleksyon

Sen. Imee, okay lang kahit di binanggit ni PBBM sa campaign rally; tutok kay FPRRD