Dinumog ng mga mananampalataya ang unang Simbang Gabi kahapon bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo sa araw ng Pasko.

Ito’y sa kabila nang marami na rin namang tao ang dumalo sa mga anticipated mass na isinagawa noong Lunes ng gabi.

Naging masaya ang misa kahit hindi na halos makapasok sa simbahan ang mga nagsisimba dahil sa dami ng parokyano.

Marami rin naman ang nagtitinda ng mga kakanin tulad ng bibingka at puto-bumbong na mabiling-mabili sa mga parokyano.

National

Heydarian, happy sa 'immense progress' at latest HDI score ng Mindanao

Ayon kay Pasig Bishop Mylo Vergara, kasama sa sermon ng mga pari sa Simbang Gabi ang mga turo ni Pope Francis bilang bahagi na rin ng nalalapit na pagbisita nito sa bansa sa Enero 15 hanggang 19, 2015.

Aniya, naglabas ng Papal Visit Committee on Information and Media Relations, na pinamumuan niya, ng homily guide para sa mga pari sa lahat ng diocese sa buong bansa.

Sa naturang homily guide ay nakasaad ang ilang gabay upang maiugnay ng mga pari sa kanilang homiliya ang mga pangaral ng Papa.

Pinaalalahanan naman ni Vergara ang mga dadalo sa public mass ng Papa sa Tacloban at Quirino Grandstand na tandaan ang tunay na diwa ng pagbisita ng pinuno ng Simbahan sa buong mundo.