Ni JUN RAMIREZ at JC BELLO RUIZ

Sinampahan ng panibagong kasong pandarambong sina Vice President Jejomar C. Binay, anak nitong si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay at 30 iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng Makati City bunsod ng umano’y overpricing ng Makati Science High School building.

Sa 11-pahinang reklamo na inihain sa Office of the Ombudsman, sinabi ni Renato Bondal, na isang kalaban ni VP Binay sa pulitika sa Makati, na nakipagkutsabahan ang mag-amang Binay at iba pang akusado upang makakomisyon umano sa pagpapatayo ng 10-palapag na gusali na umabot sa P862 milyon.

Umabot ang halaga ng proyekto sa P1.3 bilyon habang ang original estimate nito ay nasa P470 milyon lamang, ayon kay Bondal.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Ayon sa complainant, ginamit ng mag-amang Binay ang kahalintulad na modus operandi sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2 upang maitaas ang presyo ng konstruksiyon ng paaralan.

Samantala, nagpahayag ng kahandaan si VP Binay na harapin ang pangalawang kaso ng plunder sa Ombudsman.

“Isa lang ang tanong ko sa mga taong nagpaparatang sa akin at sa mga taong nasa likod ng lahat ng ito. 2007, 2008, 2009, 2010, 2011, 2012, 2013—wala ni isang question o report ng anumang iregularidad sa mga proyektong binanggit nila,” pahayag ni VP Binay.

“Pero, mula noong pumasok ang 2014, biglang may special audit, special finding, at kung ano ano pa. Sanay ako sa laban ng buhay,” giit ng Pangalawang Pangulo.