Ipinagdiriwang ngayon ng Bhutan ang kanilang Pambansang Araw na gumugunita sa koronasyon noong 1907 ng unang hari ng naturang bansa na si Gongsar Ugyen Wangchuck, sa Punakha Dzong. Ang okasyon ang nagpasimuno ng panahon ng kapayapaan, pagkakaisa, at kasaganahan sa Bhutan. Magdaraos ng mga selebrasyon sa Changlimethang National Stadium, kung saan ang Hari at ang estatwa ni Gongsar Ugyen Wangchuk ay ipinaparada.
Isang landlocked na bansa sa South Asia, ang Bhutan ay matatagpuan sa pagitan ng India at People’s Republic of China. Thimpu ang kapital at pinakamalaking lungsod ng naturang bansa. Nasa mahigit 742,000 ang kanilang populasyon.
Ang ekonomiya nito ay nakabase sa forestry, animal husbandry, at subsistence agriculture. Gayunman, saklaw nito ang hindi aabot sa 50% ng kanilang Gross Domestic Product (GDP ) ngayong naging exporter ang Bhutan ng hydroelectricity. Cash crops, tourism, at development aid (na ang karamihan ng huli ay mula sa India) ay mahalaga rin.
Ang Bhutan ay kaugnay sa kasaysayan at kultura ng kapitbansa nito sa hilaga, ang Tibet. Ngunit sa pulitika at ekonomiya, mas kumakatig ang kingdom sa India. Kabilang sa international associations, ang Bhutan ay miyembro ng United Nations at ng South Asian Association for Regional Cooperation.
Binabati natin ang mga mamamayan at pamahalaan ng Bhutan sa pangunguna ng Kanyang Kamahalan, King Jigme Khesar Namgyel Wangchuck at Prime Minister Tshering Tobgay, sa okasyon ng kanilang Pambansang Araw.