SEOUL (AFP)— Bumisita ang anak na babae ng CEO ng Korean Air sa bahay ng isang cabin crew chief noong Linggo para humingi ng tawad sa pagpapababa sa kanya sa eroplano dahil lamang sa maling paraan ng paghahain ng merienda, sa gitna ng mga paratang na pinaluhod niya ito at pinahingi ng tawad.

Nagbitiw si Cho Hyun-Ah, dating top executive sa Korean Air, noong Martes sa lahat ng kanyang posisyon sa family-run flag carrier sa gitna ng matinding pagbatikos ng publiko at imbestigasyon ng mga awtoridad ng estado.

Pinilit ng 40-anyos na pabalikin ang biyaheng New York-Seoul sa terminal at pinababa ang cabin crew chief noong Disyembre 5 matapos siyang bigyan ng macadamia nuts na hindi niya hiningi at nakahain sa supot imbes na sa plato.

Pinilit ni Cho, nakaupo sa first class, ang cabin manager na si Park Chang-Jin at isang babaeng attendant na lumuhod sa kanyang harapan, minura si Park, itinulak sa cockpit door at hinampas ng service manual, ayon sa salaysay ng Park.

National

Marce, lalo pang lumakas habang papalapit na sa Northeastern Cagayan

Bumisita si Cho sa bahay ng dalawang staff members noong Linggo para humingi ng tawad. Ngunit kapwa wala sa bahay ang dalawang empleyado kaya’t nag-iwan na lamang siya ng liham sa kanilang pintuan na nagsasabing patawad, ayon sa tagapagsalita ng kumpanya.

Itinanggi ni Cho na pinaluhod niya ang dalawa. “I’ve never heard such thing. I don’t know anything about it,” aniya nang tanungin ng mamamahayag matapos ang interview kay Park ng KBS television sa Seoul.

Ngunit isang pasahero sa first class ang nagkumpirma sa mga salaysay ni Park at sinabing nakita niyang lumuhod ang dalawa.

“I felt so sorry for the flight attendants, who looked totally terrified of her,” sabi ng pasahero sa KBS matapos magbigay ng kanyang testimonya sa Seoul prosecutors noong Sabado.

“Cho’s voice was so loud that even people in the economy class turned to look,” sabi ng pasahero, inilarawan ang kapaligiran sa 14-oras na biyahe na “very menacing and distressing.”

Sinabi rin ni Park na sa mga nakalipas na linggo, ginipit siya ng mga opisyal ng Korean Air para akuin ang kasalanan sa insidente. Tumangging magkomento ang airline sa alegasyon.

Umani ng mga batikos ang ginawa ni Cho sa South Korea, na inakusahan siyang arogante. Iniimbestigahan na ng transport ministry at Seoul prosecutors kung mayroong nilabag na aviation safety laws at naabalang negosyo si Cho.

Nagsalita si Korean Air CEO Cho Yang-Ho sa isang televised press conference noong Biyernes at humingi ng tawad sa “foolish act” ng kanyang anak. “I failed to raise the child properly. It’s my fault,” aniya.

Ang insidente, binansagang “nutgate” sa social media, ay pumukaw sa galit ng mamamayan sa mayayamang pamilya na nagpapatakbo sa makapangyayarihang negosyo sa South Korea, na kilala bilang chaebol.

“The (airline) incident laid bare again the dark side of our corporate culture, in which no one can protest against wrong behaviour by members of owner families,” sulat ng pahayagang Dong-A Ilbo sa isang editorial noong sabado.

“These owners need to...educate their offspring properly and curb their sense of entitlement.”