Kahapon, sinimulan nating talakayin ang paksa tungkol sa pagbabago ng buhay bunga ng iyong ginawa sa loob lamang ng ilang segundo. Nabanggit na tin na gugugol talaga ng maraming oras o araw o panahon upang magbasa ng aklat, gumawa ng listahan, o kumausap sa mga taong may malawak na karanasan sa larangang ito. Ngunit may nangyayaring pagbabago bunga ng bigla at maigsing pagkilos na tumatagal lamang ng ilang segundo. Isipin na lamang ang ginhawang panghabambuhay dulot lamang ng iyong ginawa sa loob lamang ng ilang segundo.
Narito ang ilan pang halimbawa –
- Huminga nang malalim. – Gaano ba kadalas na humigop ka ng hangin? Humigop ka nang maraming hangin at unti-unti itong ibuga. Mabisa itong pampawala ng stress at tension. Sampung segundo sa inhale, at 20 segundo sa exhale – ito ay mabisang formula upang magkaroon ng espasyo sa katawan at lumilikha ito ng distansiya para sa iyo, palayo sa iyong mga pag-aalala.
- Pangaralan mo ang iyong sarili. – Kapag nalilito ka na sa iyong pag-araw-araw na gawain, ulit-ulitin mo ang isang mantra. Sa loob ng ilang segundo, gunitain mo ang isang pangaral upang madali mong matamo ang kapayapaan sa isipan. Ang paborito kong mantra ay “May mas maganda pa akong magagawa kaysa rito.” Sapagkat pinangangaralan ko ang aking sarili (sa isip lang ha), madali kong mahanap ang tamang direksiyon sa aking mga ginagawa.
- Uminom ng tubig. – Ang utak ay kailangan ng tubig upang gumana ito nang mahusay. Ito ang bahagi ng katawan ng tao na unang natutuyan ng tubig. Ugaliing uminom ng tubig. Ilang segundo lamang ang iyong kailangan upang kumuha nang maiinom.
- Itakwil ang masamang isipan. – Sa tuwing makakaisip ka ng masama (lalo na kung laban ito sa iyong kapwa) gugugol lamang ng ilang segundo upang itakwil ito sa iyong isipan. Mag-focus ka sa iyong ginagawa upang lalo mong maialis ang hindi mabuti sa iyong isip.
- Patayin mo ang TV. – Pahalagahan mo ang iyong oras. Ilang segundo lamang ang kailangan para damputin ang remote at patayin ang TV. Sa halip na maubos ang oras mo sa panonood ng kung anu-ano, gamitin ang iyong mahahalagang sandali sa paggawa ng makabuluhang bagay. Tulugan mo kaya si Nanay o si Tatay sa kanyang mga gawain. Makipagkuwentuhan ka sa iyong mga kapatid at kaibigan. Pahalagahan mo ang oras na kapiling ang iyong mga mahal sa buhay.