Muntik nang maging bagyong Yolanda ang bagyong Ruby sa kabangisan at kalupitan. Halos kasing lakas ni Yolanda si Ruby nang lumapit na ito sa ating bansa. Ang kabutihan naman para sa atin ay mayroong hanging amihang nagbuhat sa gawi ng Japan na sumalubong at pumalo rito. Ang lamig nito ang nagpahina kay Ruby nang tatama ito sa bansa. Dahil na rin sa paghahanda na ginawa ng mga opisyal ng pamahalaan at pakikiisa ng mamamayang matutumbok ng bagyo, hindi tulad ni Yolanda, kaunti lang ang namatay sa kanyang dinaanan. Pero gumiba rin ito ng maraming bahay at puminsala sa agrikultura na tinatayong isang bilyong piso ang halaga.
Bakit hindi magawang araw-araw ng mga opisyal ng ating gobyerno sa lahat ng ating mamamayan ang pagmamalasakit na ipinakita nila sa mga tutumbukin ng bagyo? Eh araw araw ay binabagyo ang ating bayan bagamat bagyo, na hindi gaya ni Yolanda at Ruby na likha ng kalikasan kundi bagyong gawa mismo ng mga nasa gobyerno. Mabangis at malupit din ito, kundi higit na mabangis at malupit. Ang Yolanda, Ruby at mga kauri nito ay labas sa kakayahan ng tao na makontrol maliban sa kanilang magiging epekto sa limitadong paraan. Puwedeng pababain, halimbawa, ang numero ng mga namatay tulad ng ginawa ng NDRRMC sa mga nabiktima ni Ruby. Pero ang bagyong likha ng mga taong gobyerno ay kontrolado nila huwag lang nilang isama sa kanilang panununungkulan, o kahit bawasan na lang, ang kasakiman. Ang bagyong tinutukoy ko na likha nila ay nangangalang corruption o katiwalian. Ang biktima nito ay ang sambayanan. Marami sa kanila ang nagugutom, may sakit, mapanganib na nakatira sa mga kalye, mabahong estero at ilalim ng tulay. Namamatay na nakadilat dahil ipinauubaya na lang nila sa kalikasan ang kanilang paggaling. Ang kayamanan kasi ng bansa na dapat ay naapakinabangan din nila ay nasa kamay lang at tinatamasa ng iilan.