Iuuwi ng Olympic Solidarity scholar na si Amparo Teresa Acuña ang medalyang pilak sa paglahok nito sa women’s 50m rifle prone sa ginanap na 38th Southeast Asia Shooting Association (SEASA) Championships sa Singapore.

Nagtala ang 17-anyos na si Acuña, na siyang tanging representante ng bansa sa torneo, nang kabuuang 614.8 puntos na kulang lamang ng 3.2 puntos sa nagwagi ng gintong medalya na si Thu thu Kyaw ng Myanmar sa event na sinalihan ng kabuuang 30 shooters kabilang ang ilang beterano sa Olympics.

Unang tumapos si Acuña sa ikalimang puwesto sa likod ng karibal mula sa Myanmar, dalawang Vietnamese at isang Thai shooter bago nito nagawang makipaglaban para sa unang tatlong puwesto.

Nakatakda pang sumagupa ang 3rd year high school student mula sa St. Paul College sa Pasig sa isa pang event na 50m air rifle three positions kung saan huli nitong nagawang makapag-uwi ng tansong medalya sa isinagawa noong 2013 edisyon ng torneo sa Malaysaia.

Eleksyon

Comelec precinct finder, inirereklamo ng mga botante dahil hindi raw gumagana

Ang torneo ay parte ng paghahanda ni Acuña para naman sa mas matatas na kompetisyon na kinabibilangan ng isang qualifying tournament para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

Si Acuña, na national record holder sa ilang events kabilang ang 50m air rifle prone, ay regular na lumalahok sa SEASA at ISFF World Cup.

Matatandaang inirepresenta nito ang Pilipinas sa nakaraang 2013 Asian Youth Games sa Nanjing, China.