Isang Swiss na binihag ng Abu Sayyaf simula 2012 ang nakatakas mula sa mga rebelde matapos niyang patayin ang isa sa mga sub-leader ng grupong iniuugnay sa Al Qaeda, sinabi kahapon ng militar.

Ayon kay Col. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu ng militar, nagawang makatakas ni Lorenzo Vinciguera, 49, habang pinapuputukan ng mga sundalo ang kampo ng Abu Sayyaf sa Sitio Nangka, Barangay Kulambu sa Patikul, Suli, na roon nanatili ang binihag na dayuhan.

“Sinamantala ni Vinciguera ang sitwasyon at nagawa niyang makatakas mula sa mga bantay niya,” sabi ni Arrojado.

Ayon sa ulat, naagaw ni Vinciguera ang bolo ng isang Juhurim Hussien at pinagtataga sa leeg ang huli, na agad na nasawi.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

Batay sa mga naunang report, nasugatan si Vinciguera makaraang mabaril ng mga miyembro ng Abu Sayyaf habang nagtatangkang tumakas.

Gayunman, nilinaw sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang Swiss “sustained a minor wound from a bladed weapon on his left cheek.” Natamo niya ang sugat sa pakikipag-agawan sa bolo ni Hussein.

Dakong 5:20 ng umaga nang matagpuan ng tropa mula sa 1st Scout Scout Ranger Battalion si Vinciguera sa Bgy. Timpook sa Patikul.

Bandang 9:30 ng umaga naman nang ibiyahe ang dayuhan patungo sa Camp Bautista Station Hospital sa Jolo. Kalaunan, inilipat siya sa isang ospital sa Zamboanga City.

Isa si Vinciguera sa dalawang European bird watcher na dinukot ng Abu Sayyaf sa Tawi-Tawi noong Pebrero 1, 2012. Kasama niya ang Dutchman na Ewold Horn, na wala pang katiyakan ang kaligtasan hanggang sa mga oras na ito.

Oktubre 17 ngayong taon nang ilunsad ng military ang mga all-out law enforcement operation laban sa Abu Sayyaf para mapalaya na ang lahat ng bihag ng grupo. (Elena L. Aben)