Magtatagpo ngayon ang top performers sa college basketball sa pag-arangkada ng UAAP-NCAA Press Corps at SMART sa 2014 Collegiate Basketball Awards sa Saisaki-Kamayan EDSA.

Magsisimula ang simpleng okasyon sa ganap na alas-7:00 ng gabi kung saan ay tatayong host si University of Santo Tomas (UST) courtside reporter Kristelle Batchelor sa taunang affair na inorganisa ng college basketball scribes na dito ay bibigyan ng rekognisyon ang mga pinakamahuhusay na manlalaro sa nakaraang UAAP at NCAA season.

Kikilalanin ng UAAP-NCAA Press Corps, kasama ang iba pang awardees, ang SMART Player of the Year, ang citation na ipinagkakaloob sa manlalaro na nagpamalas ng matinding kuwalidad sa loob at labas ng korte, kung saan ang recognition dinner ay suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI at Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer, and Mighty Mom dishwashing liquid).

Mamumuno sa listahan ng awardees sina Eric Altamirano ng National University (NU) at Boyet Fernandez ng San Beda, kapwa kinilala bilang Coach of the Year matapos na gabayan ang kanilang mga koponan sa kampeonato sa kanilang mother leagues.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Gagawaran din ng pagkilala sina Kiefer Ravena ng Ateneo at Earl Scottie Thompson ng University of Perpetual Help, ang Most Valuable Player winners sa UAAP at NCAA, bilang bahagi para sa Collegiate Mythical Team.

Makakasama nina Ravena at Thompson sa prestihiyosong Mythical Team na mula sa UAAP at NCAA sina Ola Adeogun ng San Beda, Mac Belo ng Far Eastern University (FEU), at Jeron Teng ng De La Salle.

Pararangalan naman sina Anthony Semerad ng San Beda at Alfred Aroga ng NU bilang Pivotal Players matapos ang ipinamalas nilang matinding laro finals, habang napasakamay naman nina Glenn Khobuntin ng NU, Kyle Pascual ng San Beda, at Almond Vosotros ng De La Salle ang Super Senior award.

Nakatuon ang special awards kay Troy Rosario ng NU na gagawaran ng Doctor J Breakthrough Player, sina Jiovani Jalalon ng Arellano at Gelo Alolino ng NU bilang Impact Players, habang si Baser Amer ng San Beda bilang ACCEL Court General.

Ang taunang event ay suportado din ng San Miguel Corporation, UAAP Season 77 host University of the East (UE), NCAA Season 90 host Jose Rizal University (JRU), Gatorade at Philippine Sportswriters Association (PSA).