Hiniling ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development sa gobyerno na pagbawalan na muling makapagmaneho ang may-ari ng mamahaling Maserati sports car na nanggulpi ng isang traffic enforcer sa Quezon City noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na dapat kumpiskahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at hindi na muling ibalik ang lisensiya ni Joseph Russell Ingco matapos nitong saktan at laitin si Traffic Constable Jorbe Adriatico nang hulihin ang una sa panulukan ng Quezon Avenue at Araneta Avenue sa Quezon City noong Nobyembre 27.

Iginiit ni Castela na hindi dapat payagan ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa Ingco na muling makapagmaneho dahil mainitin ang ulo nito.

Lumantad kamakalawa si Ingco sa media upang pabulaanan ang mga alegasyon ni Adriatico na sinaktan niya ito nang sitahin siya sa traffic violation Subalit nag-akusa si Adriatico na pinakitaan siya ng “dirty finger” ni Ingco bago siya pinagsusuntok sa mukha, inipit ang kamay sa bintana ng sasakyan at kinaladkad pa.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Ayaw namang kagatin ni Castelo ang paliwanag ni Ingco dahil wala aniyang dahilan upang saktan ang traffic constable.

“Kailangan nating turuan ng leksiyon ang mga mainitin ang ulo na nagmamaneho. Dapat alisin ang ganitong uri ng tao sa lansangan,” giit ni Castelo. - Ben R. Rosario