LEGAZPI CITY – Malaking pakinabang ang inaasahan ng Albay sa pananalapi at sa paglikha ng mga trabaho mula sa paghu-host nito ng mga pulong ng 2015 Asia-Pacific Cooperation (APEC) na pasisimulan ng Informal Senior Officials’ Meeting (ISOM) dito sa Disyembre 8-9, 2014.

Malaking kumperensiya ang ISOM na pasimula at magbibigay ng tono sa mahigit 100 pagpupulong ng 2015 APEC sa Pilipinas. Mahigit sampu sa mga kumperensiyang ito ang gaganapin dito sa Albay. Ang iba ay sa Clark, Cebu, Iloilo at Manila. Magwawakas ang mga ito sa APEC Leaders Summit sa Nobyembre 2015.

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ang tatak ng APEC at ang karapatang magmalaki sa pag-host nito ay makapagbibigay na ng hanggang P120 milyon economic benefits para sa lalawigan sa madalian na maaaring umabot sa P600 milyon sa loob ng ilang taon.

“Ngayon pa lang, ang hosting namin ng APEC ay nakapaglikha na ng 389 trabahong lokal at nakapag-generate na ng mahigit 2,000 turistang dayuhan. Inaasahan itong lolobo sa mahigit 10,000 turista at 2,000 trabahong lokal sa maigsing panahon lamang,” dagdag ni Salceda.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Dadaluhan ang APEC ISOM ng 500 matataas na opisyal ng 21 bansang kasapi ng APEC, sa pangunguna ng kanilang mga economic minister. Malaki ito nang kaunti sa mga dumalo sa United Nations World Tourism Organization na dalawang komperensiya ang ginanap dito noong Mayo ng taong ito at patuloy pa ring pinag-uusapan ngayon.

Binigyang-diin ni Salceda na higit pang mahalaga ang paghu-host nila ng APEC sapagkat magsisilbi itong susi upang mabatid ng mundo ang tourism potentials ng lalawigan “and build our brand franchise as a distinctive ecotourism destination with green credentials”.