Hinihintay na lamang ang magiging huling desisyon na manggagaling kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V.Pangilinan kung sino ang susunod na magiging head coach ng Gilas Pilipinas.

Noon pang nakaraang Martes isinumite ng binuo nilang search committee, na kinabibilangan nina PBA commissioner Chito Salud, PBA chairman Pato Gregorio, SBP executive director Sonny Barrios, dating PBA chairman Robert Non (iprinisinta ang D-League) at SBP vice-chairman Ricky Vargas, ang kanilang nabuong short list ng mga kandidato na kanilang inirekomenda upang pumalit sa puwestong binakante ni Chot Reyes.

Bagamat hindi nag-anunsiyo ng kahit ano ang SBP, na gaya ng nakagawian nito matapos ang mga pagpupulong, nauna namang nagpahayag ang committee na pinagpipilian nila upang maitalagang bagong head coach ng Gilas sina dating team consultant Tab Baldwin at dating assistant coach at siya ngayong head coach ng Talk ‘N Text na si Jong Uichico.

Ito’y matapos ang kanilang mga naging pagpupulong at pagpili buhat sa hanay ng mga naunang kandidato na kinabibilangan nina Purefoods coach Tim Cone, Rain or Shine coach Yeng Guiao, Meralco coach Norman Black, at dating Bolts coach Ryan Gregorio.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Kung pagbabasehan ang mga naunang pahayag ng panel, tila pumapabor sila kay Baldwin, ang dating New Zealand national coach na naging head coach ng Lebanon at Jordan national teams.

Gayunman, na kay MVP pa rin ang pagpapasiya kung aayunan niya ito o hindi at mas pipiliin niya ang local na mentor para sa Gilas.