BAKIT bago pa lang ginagawa ang budget ay pinagsusumite na ang mga kongresista ng listahan ng mga proyekto para sa kani-kanilang distrito, tanong ni Sen. Miriam Santiago. May kaugnayan ang tanong na ito ng senadora sa kanyang bintang na ang budget sa 2015 ay naglalaman pa rin ng 37.3 bilyong pisong pork barrel. Matatandaan na ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang pork barrel lalo na iyong PDAF ng mga mambabatas. Kasi noong nakaraan, ang mga mambabatas ay may kaniya-kaniyang napakalaking pondo, PDAF nga ang taguri, na bahala na sila kung saan nila paggagastusin ito. Kung ang proyekto ay imprastraktura, idadaan nila ito sa DPWH pero sila ang magsasabi dito kung kanino ibibigay ang proyekto. Kaya nga naglabasan ang iba’t ibang NGO na ginawa ni Napoles sa tulong ni Budget Secretary Butch abad, ayon kay Napoles. Sa mga NGO ni Napoles ibinigay ng mga mambabatas ang pagpapairal ng proyekto. Bahala na si Napoles kung ano ang kanyang gagawin sa proyekto basta maibigay lang sa mga mambabatas ang bahagi nila sa PDaF. Lumabas na wala pa lang proyektong nagawa dahil peke ang mga NGO.

Inamin ni abad na may iminungkahing proyekto ang mga mambabatas. Hindi naming hiningian sila ng listahan, wika niya, pero mayroon silang ibinigay na mga proyekto na nais nilang magawa sa kanilang distrito o probinsiya at ang mga ito ay makikitang nalaanan ng pondo sa budget. Kung ang senador ay may nakitang bahagi ng kanyang probinsiya na kailangan ang kalsada, sabi naman ni Chiz Escudero, pwede niyang imungkahing gastusan ito sa ilalim ng 2015 budget. Hindi raw pork barrel ito. Ginagamit lang aniya ng kongreso ang kapangyarihan nito sa pananalapi. Hindi ito totoo, nandito pa rin ang pork barrel sa binagong uri. Iyong banggitin mo lang ang pangalan ng mambabatas sa pagpapagawa ng proyekto ay makakabahagi na ito, hindi lang nga istilong Napoles, sa pondong gagastusin sa proyekto. Totoo, ang magpapairal ng mga proyekto ngayon ay ang mga ahensiya ng gobyerno kung saan ito nararapat. Sasabihin lang ng ahensiyang ito sa mga kontraktor na ang proyekto ay sa mambabatas, alam na ng kontraktor ang porsyentong SOP.
National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga