Nasagip ng mga tauhan ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD) at mga kawani ng City Social Welfare Development Office (CSWDO) ang anim na lalaking menor-de-edad, kasama ang dalawa pa katao, matapos salakayin ang isang dating bakanteng food chain na ginawang drug den sa Valenzuela City kamakalawa.

Ayon kay Insp. Josephine Dalumpines, hepe ng WCPD, kinilala ang mga na-rescue na sina Christopher Aquino, 13, ng Area 4, Pinalagad, Malinta; Rudy Fernandez, 13, ng Barangay Marulas; PJ Dizon, 14, ng 1683 Gabriela St., Dagupan, Tondo, Manila; Jonathan Jertos, 15, Callero, Malolos, Bulacan; Dave Joseph Grospe, 16, Road 3, Barangay Marulas; at JP Tangcangco, 17, ng 120 Paitan, Baliuag, Bulacan.

Dinala rin sa presinto sina Romeo Fernandez, 51 at Christopher Villaruel, 26 , na inabutan ng mga awtoridad habang natutulog.

Kinasuhan naman ng mga pulis ang nakatakas na si Alfie Martin, 27, ng Block 12 Dagat-Dagatan, Malabon City, na umano’y siyang nagsu-supply ng solvent na siyag sinisinghot ng mga kabataan.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Kuwento ni Dalumpines, may nakapagbigay sa kanila ng impormasyon na ginawang drug shelter ng mga kabataan ang isang bakanteng food chain sa Mac Arthur Highway, Barangay Marulas.

Bandang alas 9:00 ng umaga, kasama ang CSWDO, WCPD at PCP 3, nilusob ng mga ito ang nasabing lugar, saan nakita ang mga kabataan na natutulog sa bakanteng establisemento at dinala sa presinto.

Nagbigay ng ayuda ang Valenzuela City government na siyang gagastusin sa pasahe ng mga nasagip pauwi sa kani-kanilang bahay.

“Dati na namin ni-raid ‘yung lugar na ‘yan kaya lang wala kaming inabutan tao,” ani Dalumpines.