Mangilan-ngilan lamang ang naniniwala na ang binubusising 2015 national budget ay hindi nababahiran ng kasumpa-sumpang pork barrel. Si Senador Miriam Defensor Santiago ang nanggagalaiting nagsabi na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ay buhay na buhay pa rin sa pambansang budget. Maging ang iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay laging nagkikibit-balikat sa pahayag ng Malacañang na inalis na ang PDAF. Ito ang dahilan kung bakit walang tigil ang kanilang pagsigaw na isabatas na ang Pork Abolition Bill.

Totoo na binura sa bagong budget ang PDAF o pork barrel subalit ito ay mistulang isinalin lamang sa bilyun-bilyong pisong lump sum fund na nakalaan din sa mga mambabatas para sa kani-kanilang mga proyekto. At ang pagpapalabas nito ay nasa pagpapasiya ng Department of Budget and Management (DBM) at ni Presidente Aquino. Sabi nga ng mga Kano: Same dog with different collars.

Tulad ng batid ng marami, ang PDAF at DAP (Disbursement Acceleration Program) ay idineklara nang labag sa Konstitusyon ng ating Korte Suprema. Lumitaw na ito ay tinampukan ng walang pakundangang pangungulimbat at paggasta ng salapi ng mga mamamayan. Maraming mga mambabatas, at ilang pribadong mamamayan, ang nakisawsaw sa ganitong katiwalian na gumimbal sa kasalukuyang administrasyon. Katunayan, ang ilan sa mga kaalyado ng Pangulo ay isinasangkot sa mga kasong pandarambong dahil nga sa pork barrel issue. Hanggang ngayon ay kabi-kabila ang asunto na nililitis ng Office of the Ombudsman at ng Sandiganbayan na kinasasangkutan ng sinasabing kagalang-galang na miyembro ng Kongreso. Katunayan, nakakulong ngayon sa iba’t ibang detention center ang pinaghihinalaang dawit sa bilyun-bilyong pisong PDAF scam, tulad ng mga Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla at ng ilan sa kanilang mga tauhan.

Sa takbo ng mga pangyayari, wala na tayong makitang pagbabago sa mistulang pagbuhay ng PDAF sa pagtitibaying 2015 national budget, sa kabila ng malinaw na pasiya ng Korte Suprema. Asahan at ipanalangin na lamang natin na ang lump sum fund ay ilaan lamang ng mga mambabatas at ng administrasyon sa makatuturang proyekto para sa kapakinabangan ng bayan. Tumalab sana ang ating dasal.
National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’